Dagdag-pasakit mula sa SSS

NITONG nakaraang mga araw, lumabas sa mga pahayagan ang panibagong plano ng Social Security System (SSS) na itaas na muli ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS sa kabila na mahigit isang taon pa lamang naipapatupad ang dagdag singil sa buwanang premium.

Hindi ba’t Enero, noong isang taon lamang ipinatupad ang 0.6 percentage point hike ng SSS contribution na ramdam na ramdam na ramdam ng mga miyembro nito.

Unang inihayag ni Pangulong Aquino ang implementasyon ng SSS hike sa kanyang SONA at ngayong papalapit na muli ang kanyang ikaanim at huling SONA, muli ba itong maririnig sa Pangulo?

Walang natutuwa sa planong ito ng pamunuan ng SSS lalo na’t laging naririnig ang milyong-milyong bonus na tinatanggap ng mga opisyal nito.

Ayon sa ulat, plano ng SSS na magdagdag ng panibagong one percentage point increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito bago matapos ang termino ni Aquino sa 2016.

Talagang hindi n’yo na lang hintayin ang bagong administrasyon at nais n’yo pang magpahabol ng pasakit sa mga miyembro ng SSS.

Ang nakakaloka, nito lang nakaraang mga linggo nagpalabas ng kautusan ang Comission on Audit (COA) kung saan ipinasosoli nito ang tinatayang P71.612 milyon sa unauthorized bonuses ng mga opisyal ng SSS.

Unang-una dinadahilan ng mga opisyal ng SSS na insentibo ito dahil sa magandang trabaho ng pamunuan ng ahensiya. Hindi ba’t trabaho naman talaga ng pamunuan ng SSS na gawin ang kanilang trabaho dahil ang lalaki naman ng mga sweldo nila?

Hindi ba’t taliwas ang sinasabi ng mga opisyal na magandang pamamalakad sa SSS kung kailangan pang manghingi ng panibagong pagtaas ng premium contribution?

Kung maganda ang pamamalakad, bakit pa kailangang magpatupad ng taas singil sa kontribusyon at bakit kailangang bigyan ng milyong-milyong bonus ang mga opisyal ng SSS gayong trabaho naman nila na patakbuhin ng maayos ang SSS.

Kung itutuloy ng management ng SSS ang planong dagdag kontribusyon, asahan na ang mga pagkilos ng iba’t-ibang grupo para ito kontrahin.

Ang problema nga lamang sa administrasyon, kahit pa batikusin ang planong ito, tila bingi na ang gobyerno sa mga protesta laban sa mga pagtataas.

May nagawa ba ang mga protesta at batikos ng taumbayan nang ipatupad ang fare hike MRT at LRT?

Tila bingi ang ating gobyerno sa mga hinaing ng mga mamamayan at ang tanging pinakikinggan ay mga opisyal ng mga ahensiya na wala nang bukambibig ay taas-singil para mapagtakpan ang kanilang kapalpakan sa pamamalakad.

Ang gobyerno nga naman.

READ NEXT
Twin healings
Read more...