SINABI ni Vice President Jojo Binay na nagbitiw siya sa Gabinete ni Pangulong Noy dahil sa mga batikos sa kanyang mga programa sa Makati City noong siya’y mayor nito na ibig niyang ipairal sa buong bansa.
Anong mga programa sa Makati ang naisagawa ni Binay sa lungsod noong siya ay mayor?
Isa ba sa mga programa ay ang pagpapagawa ng Makati City Hall Building II at ng Makati Science High School building na malaki ang tong-pats?
Isa ba sa mga programa ay ang pagbibigay ng cakes sa mga senior citizens na naninirahan sa lungsod?
Ang mga cakes, na hindi masarap at masyadong mahal, ay pag-aari ni Nancy Binay na noon ay walang trabaho pero ngayon ay senador na.
Isa ba sa mga programa sa Makati ang pag-rig ng mga bid para sa mga proyekto ng lungsod upang mapaboran ang mga kaibigan ng mga Binay?
Ang pagbibili ba ng mga ari-arian at lupain sa pera ng taumbayan isa sa mga programa ni Binay sa Makati noong siya’y mayor?
Ang pamimilit ba sa mga condominium developers na bigyan ang mga Binay ng isang unit o lahat ng isang palapag kasama sa mga programa ni Binay sa Makati?
Ang pagkakaroon ng daan-daang milyong piso sa iba’t ibang bangko sa pangalan ng mga Binay o sa kanilang mga kaibigan kasama sa mga programa?
Kung ang mga programa na nabanggit ay ipaiiral ni Binay kapag siya ay naging Pangulo, kaawaan tayo ng Diyos!
May hangganan daw ang pagiging mapagbigay (patience) ng isang tao, sabi ni Binay.
“Sobra na, tama na,” ani Binay sa kanyang mga kritiko.
Dapat ang taumbayan ang nagsabi noong tinuran ni Binay na “sobra na, tama na.”
Sobra na, tama na ang pangungurakot ninyong pamilya, Ginoong Binay.
Mga 1,000 katao ang nagtipon-tipon sa Makati City Hall quadrangle upang bigyan ng moral support si Mayor Junjun Binay, anak ni Bise Presidente, na sinususpendi ng Office of the Ombudsman dahil sa overpriced construction ng Makati High School Science building.
Libre pagkain at pinamudmuran ng pera ang mga tao, sabi ng aking source sa Makati City Hall.
Hindi lahat na nagtitipon sa Makati City Hall quadrangle ay taga Makati.
“Nakaamoy sila ng pagkain at pera,” sabi ng aking source.
Ibig sabihin, ang mga supporters ni Junjun Binay ay hakot.
Noong si Ferdinand Marcos ay hindi pa Pangulo hindi kasing yaman ang kanyang pamilya sa pamilya ni Binay.
Yumaman na lang ang mga Marcos nang makatuntong na si Ferdinand sa Malakanyang.
Di pa nga Pangulo si Binay ay bilyonaryo na siya, ano pa kaya kung siya’y naging presidente?