Matagal nang palpak

MATAGAL ko nang sinabi na palpak ang gobyerno ng Ikalawang Aquino, ang nagmamalinis na anak nina Ninoy at Cory (para sa RAMboys, hindi naman malinis ang pamamahala ni Cory dahil sa hayagang pabor sa mga kamag-anak). Unang pumalpak si Aquino sa Luneta hostage dahil sa maling hakbang sa ugnayang panlabas sa Hong Kong. Hanggang sa nagkasunud-sunod na ang kapalpakan.

Matagal ko na ring si-nabi na kung palpak ang gobyernong Aquino, na naglalagay ng kakampi sa Gabinete at idedepensa pa kapag pumalpak, mas lalong palpak si Aquino. Dahil kailanman, tulad ng lampara sa Ebanghelyo na hindi maaaring ilagay sa ilalim ng papag, ang kapalpakan ay hindi naililihim at naikukubli. Bukod sa lumalabas ang anyo ng masama, umaalingasaw din ito.

Kung tunay ang hangarin ni Jejomar Binay na ilabas ang kapalpakan sa gobyernong Aquino, isu-nod agad niya si Dinky Soliman. Kabundok na pera ng taumbayan sa DSWD ang di malaman kung saan ibinulsa, napunta at biglang naglaho. Sa Palo, Leyte, isang pamilya na kinupkop ng simbahan pagkatapos rumagasa ang bagyong Yolanda ang hanggang ngayon ay hindi nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Hayaan muna ni Binay si Mar Roxas. Tutal, hindi naman iboboto ni Feliciano Belmonte si Roxas kapag tumakbo na ito bilang pa-ngulo. Ang pahayag ni Belmonte na hindi niya iboboto si Roxas ay senyales na ng malaki at maraming baligtaran at iwanan sa Kamara. Ngayon mararamdaman ni Aquino na ang itinuring niyang kakampi at binigyan ng maraming pera ng taumbayan ay hindi pala niya kakampi.

Ang tawaging manhid ay masakit na salita. Ito’y kawalan ng puso at sa mga aral at pagsasadiwa sa Ebanghelyo, malaking kasalanan ito sa Diyos dahil ang pagiging manhid ay ang kawalan ng pagmamahal sa kapwa. Ang Diyos ay pag-ibig at ang manhid ay walang pagmamahal. Kaya pala hanggang ngayon ay marami pang mga biktima ng Yolanda ang di na sinagip.

Hindi ako nagulat sa pagbibitiw ni Binay sa Gabineteng Aquino. Marami na ang nagbitiw na magigiting na lalaki sa Gabineteng Aquino at isa na riyan si Ping de Jesus. Hindi lang nga sila naglabas ng saloobin. Pero malinaw na ang kanilang pagbibitiw (na ang madalas na dahilan ay kalusugan daw) ay tanda na hindi nila masikmura ang kapalpakan sa ahensiyang kanilang kinalagyan at kapalpakan sa pangkalahatan. Muli, ang patunay na kung mainit sa kusina ay lumabas na lang.

Kawawa naman itong si Mar Roxas. Tumataas na nga ang rating, kahit konti, ay mahahagip din siya ng “manhid” at “palpak” na reklamo ni Binay. At bilang kalaban sa eleksyon ay suplina ang ilalatay ni Binay kay Roxas. Magandang abangan ang diskarteng gagawin ni Roxas. Dapat kasi, nakikinig siya sa devil’s advocate sa kanyang sirkulo.

Bakit urong-sulong sina Chiz Escudero at Grace Llamanzares? Hindi pala sila ang susuportahan ni Dan-ding Cojuangco, kundi si Binay. Dapat sana, inisip ni Llamanzares na ang paghangad sa mataas na puwesto ay may malaking makinarya at ninong. Walang makinarya at ninong si FPJ kaya dalawang buwan bago ang halalan ay ubos na ang panggastos sa kampanya. Higit na alam iyan ng mga Cebuano.

Maraming sangkot sa krimen ang nahuhuli araw-araw sa Caloocan, tanda ng madalas na pagbiyahe ng mga pulis at mga suspek sa inquest prosecutor. Ang kredito ay kay Senior Supt. Bart Bustamante. Sa pagli-lingkod sa bayan, bigyan din ng kredito si SPO1 Manansala, ng SID HQ. Hindi na siya nagmeryenda at nananghalian nang nasa oras para lamang tulungan ang walang trabahong ginang na gumawa ng salaysay na ihahain sa piskalya.

MULA sa bayan (0906-5709843): Saklolo! Ang ending ng plaka ng sasakyan ko ay “1.” Pero, hanggang ngayon ay wala pa akong sticker ng LTO. …5623

Pinupuri ko ang guwardiya sa GMA Station ng MRT. Hinabol niya ako at dala ang cellphone ko na nahulog nang ako’y lu-mabas ng tren. Hindi ko nakuha ang pangalan ng guwardiya. …7751

Read more...