Café France kampeon sa 2015 PBA D-League Foundation Cup

KINUMPLETO ng Café France ang pagbangon mula sa pagkatalo sa unang laro nang angkinin ang 56-55 panalo sa Hapee at ibulsa ang 2015 PBA D-League Foundation Cup title na pinaglabanan kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Si Rodrigue Ebondo ang tumayong haligi ng Bakers nang nagpakawala siya ng impresibong 18 puntos, 11 rebounds at 7 blocks at siya rin ang nagpanalo sa koponan nang naisalpak ang pabandang buslo sa huling 1.2 segundo ng laro.

“He wanted to win,” pagpupugay ni Bakers coach Edgar Macaraya sa 6-foot-5 na si Ebondo. “He told me he wants the ball and by the grace of the Lord, he made the shot.”

Hindi nag-alinlangan si Macaraya na ibigay kay Ebondo ang bola kahit sa naunang play ay sinupalpal siya ni Troy Rosario.

Kinuha sa labas ang bola, nakauna si Ebondo kay JP Mendoza bago nakapag-attempt kahit naroroon ang help defense ni Rosario.

Ang pangyayari ay nagtala sa Café France bilang ikaapat na koponan na nagkampeon sa liga.

Naunsiyami naman ang Hapee sa puntiryang ikalawang sunod na titulo pero wala silang dapat na ikahiya lalo pa’t sa sudden-death game na ito ay walong manlalaro lamang ang kanilang nagamit dahil hindi na pinaglaro ang mga San Beda players.

Sina Ola Adeogun, Arthur dela Cruz at Ryusei Koga ay nakauniporme pero hindi na ipinasok ni Hapee coach Ronnie Magsanoc lalo pa’t ang NCAA ay magsisimula na bukas at ang San Beda ay may laro agad. Si Baser Amer ay hindi nasilayan sa bench.

Kulang man sa puwersa ay muntik pang nanalo ang Fresh Fighters nang bumangon ang mga ito mula sa 27-39 iskor at nagawa pang lumamang sa unang pagkakataon sa huling 45.7 sa orasan sa 3-pointer ni Nico Elorde, 55-54.

Binutata pa ni Rosario si Ebondo sa sumunod na play pero hindi nakapagbuslo ang Hapee tungo sa isang 24-second violation para bumalik ang bola sa Café France sa huling 5.9 segundo.

Nanguna para sa Hapee si Elorde na mayroong 12 puntos, pito sa huling yugto, habang si Mar Villahermosa ay may 11 na ginawa lahat sa first half.

Read more...