Buhay na buhay na naman ang kapaligiran sa Broadway offices ng network kung saan ginaganap ang live show tuwing Sabado at taping naman para sa panggabing sultada ng programa.
Masaya ang paligid, palibhasa’y kilalang-kilala na ng mga hosts ang bawat isa, palagi naming inaabangan ang mga kuwento ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez habang naghihintay kami ng take.
Marami ring kuwento sina Mr. Fu, Amy Perez at Divine Lee, kapag magkakaumpukan na kami ay parang pista na sa aming paghahalakhakan, napakasarap talagang magkuwentuhan nang walang mga camerang nakatutok sa inyo.
Sayang lang dahil ang ganu’n kagandang samahan ay nasisingitan paminsan-minsan ng mga kanegahan, kayabangan at hindi kagandahang ugali.
Kung sino pa ang hindi inaasahang magpaparamdam ng kayabangan ay ‘yun pa ang nagmamaangas, lumulungkot tuloy ang paligid, dahil may mga nasasaktan.Nakakapanghinayang ang mga sinimulang pangarap ni Shalala. Kailan lang ay pinagmumura niya ang aming talent coordinator na si Check Ticsay, pinagbantaan pang ipatatanggal sa trabaho, dahil lang sa mga kapritso niya.
Palahanap kasi si Shalala, mapagreklamo siya, konting hindi lang niya magustuhan ay agad na niyang ikagagalit sa staff.
Tama bang pagmumurahin niya ang aming kasama nang dahil lang sa walang kakuwenta-kuwentang argumento na wala raw siyang sariling make-up artist at dressing room?
Kaming lahat ay walang dressing room, cubicle lang ang meron kami, du’n lang kami nagpapa-make-up nina Lucy, Amy, Mr. Fu at Divine Lee.
Opisina lang kasi ang set namin, alam naman ‘yun ni Shalala, kaya dapat ay inuunawa niya ang produksiyon.
Harinawang magbago si Shalala, marami pa naman siyang pangarap para sa kanyang pamilya, mga panaginip na mawawalan ng katuparan kapag hindi niya natutunang mahalin ang mga oportunidad na ibinibigay sa kanya.
Sayang na sayang si Shalala.