Winner-take-all Game 3 ngayon

 Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena Pasig City)
3 p.m. Café Francevs Hapee
(Game 3, best-of-three Finals)

ILALABAS na ng Hapee at Café France ang lahat ng nalalaman sa paglalaro ng basketball para kunin ang 2015 PBA D-League Foundation Cup ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang sudden-death ay magsisimula sa ganap na alas-3 ng hapon at tiyak na dudumugin ng mga panatiko ang palaruan upang pataasin ang morale ng kanilang paboritong koponan.

Nagkaroon ng Game Three nang angkinin ng Bakers ang 76-70 panalo noong Lunes para maging kauna-unahang koponan na umabot sa finals na nakahirit ng rubbermatch.

Ang mga naunang title series ay nauwi sa 2-0 sweep.

Dahil sa nangyari, si Bakers coach Edgar Macaraya ay naniniwala na nakatadhana ang kanyang koponan na manalo ng kanilang kauna-unahang titulo sa liga.

“Miracles happen everyday and I think we will be lucky,” wika ni Macaraya.

Sina Rodrigue Ebondo, Maverick Ahanmisi at Samboy de Leon ang mga mangunguna sa koponan pero asahan ang mainit na suporta ng bench para makumpleto ang makasaysayang kampanya sa liga.

Ang puso ng isang kampeon ang sasandalan ng Fresh Fighters para makuha ang panalo at lagyan ng magandang pagtatapos ang mapanghamong kumperensiya.

Nagkampeon sa Aspirants’ Cup, hindi na nakasama ng koponan si Bobby Ray Parks Jr., may posibilidad na may iba pang manlalaro ang hindi makalaro o hindi 100 percent sa mahalagang tagisan na ito.

Si Ola Adeogun, na hindi nakasama sa Game Two dahil sa pananakit ng binti, at Arthur dela Cruz, na nanakit ang tuhod matapos ang rebound play noong Lunes, ay sinasabing alanganin sa larong ito.

“We have to play with more energy. We will try to make the adjustments,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.

Bunga nito ay kailangang itaas pa nina Troy Rosario, Chris Newsome at Earl Scottie Thompson ang antas ng paglalaro para manatiling matibay ang puntiryang ikalawang sunod na titulo sa liga.

Read more...