VP Binay nagdeklara na ng giyera sa administrasyon

Binay

Binay


DIREKTA nang binanatan ni Vice President Jejomar Binay ang administrasyon ni Pangulong Aquino matapos niyang isa-isahin ang umano’y panggigipit sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Ngayon, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ako ay pinagkakaisahang siraan, hamakin: Ilang beses akong ginipit at tinangkang patahimikin dahil patuloy akong lumalaban sa pag-aapi at pang-aabuso,” sabi ni Binay sa isang press conference.
Tiniyak ni Binay na hindi siya aatras sa pagkapangulo sa 2016.
“Sa mga kalaban ko sa pulitika, sinasabi ko sa inyo ngayon hindi ako umaatras sa laban,” sabi ni Binay.
Inakusahan ni Binay ang administrasyon ng paggamit ng maruruming paraan para siya pabagsakin.
“Sukdulang sila ay magsinungaling, waldasin ang pondo,” ayon pa kay Binay.
Aniya, alam ng administrasyon na marami sa kanilang kandidato ang hindi mananalo sa isang malinis at patas na halalan.
“Bakit hindi nila ako harapin sa malinis na halalan?” ayon pa kay Binay. “May hangganan ang pagtitiis ng isang tao. Tama na. Sobra na.”
Kasabay nito, nagpasalamat si Binay sa patuloy na pagsuporta sa kanya ng kanya.
“Sa ating mga mahihirap na kababayan, huwag po ninyo akong alalahanin.Nagpapasalamat ako sa ating mga kababayang nagpahayag sa mga surveys,” aniya.
Sinabi pa ni Binay na iba ang hustisya at mga benepisyo ng mga kaibigan at kaalyado ng partidong nasa kapangyarihan.
“Ito ang baluktot na hustisya at pamamahala ngayon. Ang umiiral ay selective justice,” ayon pa kay Binay.
Idinagdag ni Binay na hindi nila pinananagot ang mga opisyal na pumigil sa pagpapalabas ng 2013 Internal Revenue, Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“Habang ay ginigipit at inuusig, hinahayaan naman nila ang malawakang anomalya ng kanilang mga kasama sa partido. Ito ay dahil ako ang pangunahing balakid sa kanilang pansariling ambisyon at hangarin,” ayon pa kay Binay.

Read more...