Buhay na buhay na naman ang mga tagahanga ni Willie Revillame na matagal na panahong naka-miss sa kanya. Ilang episodes na ng Wowowin ang napapanood namin, masasaya na naman ang mga lola, nakakasama na naman nila ngayon ang pansamantala nilang gamot sa kalungkutan na si Willie.
Naaliw kami sa isang matandang babae na nanggaling pa sa Bataan, para lang makarating ito sa studio ni Willie ay kinailangan pa nitong magbenta ng lumang kutson, iyak nang iyak ang matanda habang nakayakap kay Willie.
Sabi ng matanda, “Palagi kitang ipinagtatanggol. Nagagalit ako kapag may naririnig akong hindi maganda tungkol sa iyo. Nagka-casino ka raw, galit na galit ako kapag naririnig ko ang ganu’n. Ipinagtatanggol kita,” umiiyak nitong sabi.
Malapit na kaming mahulog sa kinauupuan namin nang humirit si Willie, ang kanyang sabi, “Nanay, huwag n’yo na lang silang pansinin. Huwag na kayong mamroblema, ang mahalaga, magkasama na tayo ngayon.”
Mapilit ang matanda, “Basta, ayokong may naririnig na hindi maganda tungkol sa iyo. Nagka-casino ka raw.” “Nanay, huwag ka nang makipag-away, totoo ‘yun!” mabilis na sabi ni Willie.
Nakakaloka! Napakatotoo ng aktor-TV host na ito. Taped ang kanyang show, puwede niya namang ipatanggal ang bahaging ‘yun, pero hinayaan niyang mapanood ng publiko.
Nakakaaliw ang Wowowin. Hindi nawala ang pinakamahalagang sangkap ng show ni Willie Revillame na tunay na niyayakap ng manonood, ang mapuso niyang pagrespeto sa matatanda, ‘yun ang dahilan kung bakit nawala man siya nang isang taon at kalahati ay tinanggap pa rin siya nang dalawang-kamay ng ating mga kababayan.