NA-SHOCK si Julie Anne Jose sa tsismis na buntis siya. Pero mas lalo siyang nagulat nang ma-link ang pangalan niya sa Kapamilya actor na si Coco Martin.
Kahapon sa pocket pesscon ng bagong single at music video ng Asia’s Pop Sweetheart, ang “Tidal Wave” na kinunan pa sa Amerika, mariing pinabulaanan ng dalaga na nagdadalang-tao siya.
At in fairness, sa kapayatan ngayon ni Julie Anne, at sa 23 niyang waistline, imposible nga namang pregnant siya.Napakalaki kasi ng ipinayat ngayon ng dalaga, ibang-iba sa katawan niya noon. Kaya nga kahit kami ay natawa nang lumabas ang chikang buntis siya.
Pero ang ipinagtataka talaga ng Kapuso singer-actress ay ang biglang pagli-link sa kanya kay Coco Martin. May nasulat pa nga raw sa isang blog na nagsasabing ang Teleserye King ng ABS-CBN ang tatay ng ipinagbubuntis niya.
Sey ni Julie Anne, never pa silang nag-meet ni Coco kaya imposible raw ang kumalat na chika sa social media. Dagdag pa ng dalaga, single na single siya ngayon, pero maligaya naman daw siya kahit wala siyang boyfriend.
“Nandiyan naman ang family ko, ang mga friends ko. So, sila muna ang inspirasyon ko habang wala akong boyfriend. Tsaka sabi ko nga, gusto ko kapag pumasok ako sa isang serious relationship, yung buo. Kaya namang maghintay pa,” sabi ni Julie Anne.
Nang tanungin naman kung may crush ba siya ngayon sa showbiz, ang pangalan ni Gerald Anderson ang kanyang unang binanggit, bukod daw kasi sa guwapo ay magaling ding umarte ang ex-boyfriend ni Maja Salvador.