Krusyal na panalo habol ng Globalport, Star

star

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs Alaska Milk
7 p.m. Blackwater vs Star

Team Standings: Alaska Milk (8-2); San Miguel Beer (8-3); Rain or Shine (7-4); Barako Bull (6-5); Globalport
(6-4); Star Hotshots (5-5); Meralco (5-5); Talk ‘N Text (5-6); Barangay Ginebra (4-6); KIA  Carnival (4-6); NLEX  (3-7); Blackwater (1-9)

SISIKAPIN ng Globalport at nagtatanggol na kampeong Star Hotshots na ipanalo ang kanilang huling laro sa elimination round kontra magkahiwalay na kalaban upang masungkit ang twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.

Makakatapat ng Batang Pier ang Alaska Milk sa ganap na alas-4:15 ng hapon samantalang makakaduwelo ng Hotshots ang Blackwater sa ganap na alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa papel ay tila mas mahirap ang katunggali ng Batang Pier na may 6-4 karta. Ang Aces ang No. 1 team ng torneo matapos na maitala ang ikawalong panalo sa sampung laro nang talunin ang San Miguel Beer, 82-77, noong Sabado sa Panabo City.

Pero balewala na ang larong ito para sa Alaska Milk dahil nasiguro na nito ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals gaya ng San Miguel Beer at Rain or Shine.

Magkaganito man ay ayaw ni Globalport coach Alfredo Jarencio na magkumpiyansa ang kanyang mga bata. Hangad niyang ibuhos ng Batang Pier ang kanilang makakaya upang masiguro ang panalo.

Si Jarencio ay umaasa kina Jarred Famous, Omar Krayem, Stanley Pringle, Terrence Romeo, Ronjay Buenafe, Doug Kramer at Billy Mamaril.

Ang Alaska Milk ay pinamumunuan nina Romeo Travis, Calvin Abueva, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.

Tila mas magaan ang kalaban ng Hotshots dahil sa ang Blackwater ay nangungulelat sa kartang 1-9.

Ang Star ay may 5-5 record matapos na tambakan ang Barako Bull, 117-89, noong Linggo. Sa larong iyon ay nanumbalik ang dating tikas nina James Yap na nagtala ng 17 puntos at Peter June Simon na nagdagdag ng 15 puntos upang tulungan ang import na si Marqus Blakely na gumawa ng 33 puntos.

Nagdesisyon ang Blackwater na panatiliin ang serbisyo ni Marcus Cousin upang makapagpahinga si Marcus Douthit matapos na tulungan ang Pilipinas na magkampeon sa men’s basketball competition ng katatapos na 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Sakaling matalo ang Globalport sa Alaska Milk at mamayani ang Star sa Blackwater, makakamit ng Hotshots ang huling twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Read more...