PH triathletes humablot ng 2 medalya sa Taipei triathlon

triathon

HUMABOL pa ng medalya ang Pilipinas sa katatapos na 2015 New Taipei Asian Triathlon Championships sa Taiwan nang ang women’s team ay nanalo ng silver habang bronze ang nasungkit ng men’s team.

Sina Kim Mangrobang at Kim Kilgroe na tumapos sa ikapito at ikasampung puwesto sa individual events sa 2:22:25 at 2:32:16, ay nagkaroon ng kabuuang oras na 4:58:41 para lumapag sa ikalawang puwesto.

Sina Nikko Huelgas at Jonard Saim na tumapos sa ikawalo at ika-11 puwesto sa 2:06:18 at 2:10:05, ay nagsanib sa kabuuang tiyempo na 4:16:23 tungo sa tansong medalya.

Ang oras ng dalawang nangunang triathletes ng mga lumahok na bansa ay pinagsama para madetermina ang kampeon sa team competition.

Ang Japan, na winalis ang male at female elite individual titles, ang siya ring nanguna sa team event nang sina Yuichi Hosoda at Ryosuke Yamamoto sa kalalakihan at Ai Ueda at Juri Ide sa kababaihan ay nagsumite ng nangungunang tiyempo na 4:00:50 at 4:19:22, ayon sa pagkakasunod.

Pumangalawa sa kalalakihan sina Hui Wai Wong at Leong Tim Law ng Hong Kong sa 4:08:53 habang bronze medalist sa kababaihan sina Chia-Chia Chang at Yi-hui Liu ng Chinese Taipei sa 5:01:55.

Si Huelgas ay ang gold medalist sa men’s triathlon habang silver medalist si Mangrobang sa idinaos na 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Dalawang ginto ang nakuha ng koponang inilaban ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at si Claire Adorna ang kampeon sa kababaihan.

Ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at Standard Insurance ang mga sumuporta sa pagsali ng bansa sa nasabing kompetisyon sa Taiwan.

Read more...