DATING tinitingala ang Pilipinas sa larangan ng palakasan kaya’t hindi pa rin katanggap-tanggap ang ikaanim na puwesto na nakuha ng Pilipinas sa katatapos na 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
“Hindi dahil number six tayo ngayon sa SEA Games ay kuntento na tayo,” wika ni Senate committee on games, amusement and sports chairman Senador Sonny Angara.
Kumulekta ang Pilipinas ng 131 medalya pero 29 lamang dito ang ginto para tumapos sa ikaanim na puwesto sa overall standings.
Noong 2013 SEA Games sa Myanmar ay 29 gintong medalya rin ang nasungkit ng Pilipinas ngunit nahulog ito sa ikapitong puwesto overall.
Tinuran ni Angara ang kabayanihan ng mga pambansang atleta sa athletics, boxing, billiards, softball, rugby at basketball na nakakuha ng pinagsamang 17 ginto pero nadismaya siya sa ibang mga national sports association (NSA) na hindi man lang nakahagip ng ginto kabilang na rito ang aquatics na isa sa mga events na may pinakamaraming medalyang nakataya.
Ang dalawang Pinoy divers ay kumuha pa ng atensyon nang naging viral sa social media ang palpak na dive.
“Napakasakit na marinig sa pinuno ng Philippine Aquatic Sports Association na hindi raw nakapagtatakang nasilat ang ating divers sa swimming dahil ilang taon na raw na napapabayaan ng gobyerno ang sports development sa bansa, partikular ang kakulangan ng public sports centers,” sabi ni Angara.
Dahil dito ay sisikapin ng Senador na maipasa ang panukalang batas na magtatatag ng sports academy at training centers sa Misamis Occidental, Davao del Norte, Siargao Island, Cavite at Cebu.
Hiniling din niya kay Pangulong Benigno Aquino III na ipakita na may malasakit siya sa palakasan ng bansa.
Sinabi pa ng senador na nais niyang may mabanggit si Aquino patungkol sa sports sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Mahalaga ang suporta ng Pangulo para tumaas ang pondo para sa Philippine sports at ganahan ang mga atleta na magpursige at manalo.
Ang Philippine Sports Commission (PSC) ay may P750 milyon taunang pondo na malayung-malayo sa Thailand, Singapore, Malaysia at Indonesia na nasa bilyong piso ang iginugugol sa palakasan.