Kaligtasan ng whistleblower, nanganganib

PARANG walang pakialam ang Senate blue ribbon committee kung anong mangyaring masama kay whistleblower Rhodora Alvarez.

Si Alvarez ay naglantad ng “bulok” na P1.26 billion helicopter deal ng Department of National Defense.

Makailang beses nang nakiusap si Alvarez sa blue ribbon committee na isailalim siya sa Witness Protection Program, pero hindi siya pinakikinggan.

Ang chairman ng komite ay si Sen. Teofisto “TG” Guingona.

Hindi ko alam kung bakit malamig si Guingona sa hinaing ni Alvarez, pero susubukan kong i-connect ang mga dots.

Si Guingona ay kaalyado ni Pangulong Noynoy na may utang na loob kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, na isinasangkot ni Alvarez sa diumano’y maanomalyang transaksyon.

Si Gazmin kasi ang pinuno ng mga Presidential Security Group (PSG) na nagbigay proteksiyon sa nanay ni P-Noy na si

Pangulong Cory noong administrasyon na niyanig ng maraming coup attempts.

Kapag may nangyaring masama kay Alvarez, ang dapat sisihin ay si Guingona.

Simula na ang mabilis na pagbagsak ni Vice President Jojo Binay sa mga ratings nang siya’y pumangalawa lang kay Sen. Grace Poe sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Si Binay ang nanguna sa mga nakaraang surveys.

Gaya ng mga nakaraang survey, si Davao City Mayor Rody Duterte ang pumangatlo.

Sa di kalaunan, sina Poe at Duterte ang maglalaban sa pagka-Pangulo at mawawala na si Binay sa eksena.

Ang mga botante ay pipili sa pagitan ni Poe, na naging popular dahil sa kanyang tanyag na ama, ang yumaong aktor na si Fernando Poe Jr., at ni Duterte na subok na magaling na lider bilang mayor ng Davao City.

In the end, pipiliin ng mga botante si Duterte sa halip na si Poe dahil gusto nilang magaya ng ibang bahagi ng bansa ang Davao City, na tinaguriang one of the safest cities in the world.

Ang Davao City ay drug-free at crime-free.

Ang problemang Numerong Uno ng bansa ay droga na nagresulta sa mataas na krimen dahil karamihan ng mga krimen ay isinagawa ng mga taong bangag sa droga.

Nilutas ni Duterte ang problema sa droga at krimen sa kanyang lungsod sa pamamagitan ng kakaibang paraan na gusto ng karamihan ng mamamayan.

Nakumbinsi si Cagayan Assistant Provincial Prosecutor Jerry Nebab ng suspek sa panghahalay ng limang-taong batang babae dahil kinukumbinsi niya ang mga magulang ng bata na pumayag na makipag-ayos sa suspek.

Ayon sa mga magulang ng paslit na biktima, humihingi ng porsiyento si Nebab sa perang ibabayad ng respondent sa kanila kapag nagka-aregluhan na.

Halatang panig si Nebab sa suspek na si Conrado Garduque, 75 anyos, ng Sanchez Mira, Cagayan.

Pinakawalang pansamantala si Garduque matapos itong magpiyansa ng P200,000 na inirekomenda ni Nebab sa korte.

Ang rape ay isang non-bailable offense o walang piyansa.

Kailangang mapaimbestigahan ni Prosecutor General Claro Arellano si Nebab.

Si Arellano ang big boss ng lahat ng piskal sa buong bansa.

Read more...