Hapee wagi sa Game 1

hapee

Laro sa Lunes

(Ynares Sports Arena)
3 p.m. Café France vs Hapee
INILAPIT ng Hapee ang sarili sa isang panalo tungo sa paghablot sa titulo sa PBA D-League Foundation Cup matapos pataubin ang Café France kahapon, 83-72, sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Chris Newsome ay naghatid ng 18 puntos habang ang mga national players na sina Baser Amer, Troy Rosario at Earl Scottie Thompson ay nagsanib para sa 32 puntos para makauna ang Fresh Fighters sa best-of-three finals series.
May triple ni Newsome para pasiklabin ang 7-0 bomba upang ang 41-44 iskor ay naging 48-44 kalamangan sa kalagitnaan ng ikatlong yugto.
Magkasunod na buslo nina Thompson at Amer ang nagbukas sa huling yugto para sa 64-56 bentahe pero may dalawang triple si Joseph Sedurifa at isa kay Samboy De Leon para makapanakot uli ang Bakers, 72-76, may 1:06 na lang sa orasan.
Tumugon ng sariling triple si Amer bago nasundan ng mga buslo nina Rosario at Newsome habang ang depensa ang hindi na nagpaiskor sa Bakers para sa tagumpay.
Puwedeng kunin ng Hapee ang kampeonato kapag nanalo ito sa Game Two sa Lunes sa Ynares Sports Arena, Pasig City. —Mike Lee

Read more...