Motor biglang hinto, problema nga ‘yan

BAGONG nagmomotorsiklo lang si Dexter, ng General Salipada K. Pendatun, Maguindanao.

Gaya ng maraming motor rider, problema rin ni Dexter ang bigla na lamang humihinto ang kanyang sasakyan habang nasa kalagitnaan ng biyahe.

Hindi lang ‘yun, matapos ang paghinto,nahihirapan na siya na muling paandarin ang kanyang motor.

Kung dito sa Maynila ‘yan nangyayari, kinabuwisitan ka na ng ibang motorista dahil tiyak sasabihin nilang sagabal ka sa trapiko.

Maraming maaaring rason sa problemang ito.

Dahil bagong rider, inaasahan namin na bago rin ang motorsiklo ni Dexter.

Ang isang bagong motorsiklo ay hindi lamang basta hihinto habang nasa biyahe dahil maganda pa ang engine timing nito.

Maaaring nakararanas lamang ito ng biglaang paghinto kung ang gasolina na nakarga sa tangke ay mayroong tubig o sadyang nilagyan ng tubig ang tangke.Meron kasing mandarayang nagtitinda ng gasolina na hinahaluan ng tubig ang kanilang ibinebenta.

Pag nangyari ito sa iyo—ang mahintuan ka ng motor sa gitna ng biyahe— igilid na kaagad ang sasakyan, at switch-off ang akina.

Ipadyak ang kick-starter ng tatlong beses bago buksan ang makina.

Sakaling hindi na bago ang motorsiklo, ang iba pang problema ay maaaring maling idle timing, maruming karburador at air filter, o maluwag na ang compression device na nagpapaandar sa makina.

Kung ganito ang sitwasyon ay kailangan na ipatingin na sa mekaniko ang motorsiklo upang agad na masuri at mapalitan ang mga piyesa na sira na.

Mas masuwerte ang mga rider kumpara sa mga naka-kotse dahil mas mura ang piyesa ng motorsiklo.

(Editor:  May tanong, reaksyon o komento ka ba sa Motor Section? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)

Read more...