DEAR Ma’am Soriano,
Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako sa inyo sapagkat gusto ko pong magpatulong sa inyo tungkol po sa aking SSS contribution. Nagsimula akong mag-contribute noong Marso 1973 nang ako ay empleyado pa ng Roque V. Escano/Escano Ent. Inc. hanggang sa magsara ito, pero ipinagpatuloy ko ang aking contribution noong 1991. Itatanong ko lang kung na-adjust na ba ang pensyon ko?
Sana ay matulungan ninyo ako nito sapagkat kailangan ko ito. Ako po ay nag-iisa na sa buhay may edad na, balo at walang anak na makakatulong sa aking mga problema.
May problema ang aking pandinig. May advice ang doctor ko na bumili ng hearing aid pero ang mahal. Ang presyo ng isa P25, 000 plus. May problema rin ako sa dugo. May kailangangan akong maintenance na P27.75 ang bawat isa. Sa kamahalan ay paminsan-minsan lamang akong makainom nito. Malabo rin ang aking mata dahil sa katarata. May problema rin ako sa balikat na kailangang i-physical therapy kada dalawa o tatlong araw.
Ito po ang mga problema ko sa aking sarili sa ngayon kaya kailangang-kailangan ko ang pera. Sa pamamagitan po ninyo ay umaasa ako na matutulungan ninyo ako.
Lubos na
gumagalang,
GODOFREDO C. JOROLAN
SSS# 08-02…
REPLY: Ito ay may kaugnayan sa katanungan ni Godofredo C. Jorolan ng Butuan City, Agusan del Norte ukol sa adjustment ng kanyang naihulog na kontribusyon mula 1991 at adjustment ng kanyang pensyon.
Base sa aming rekord, naka-post ang hulog sa kontribusyon ni Lolo Godofredo mula Setyembre 1991 hanggang Disyembre 2008.
Kasama ang nasabing mga hulog nang kwentahin ang kanyang kasalukuyang tinatanggap na pensyon.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng manual verification ang SSS ukol sa mga kontribusyong naihulog mula 1985 hanggang 1989. Sa prosesong ito, manu-manong sinusuri ang rekord ng pinagtrabahuhan ng mga pensyonadong apektado.
Ngunit nais naming ipaalala ang pagsasagawa ng manual verification ay maaaring makabawas o makadagdag sa bilang ng kasalukuyang buwanang kontribusyon depende sa mahahanap na datos ng Contributions Accounting Department.
Kung si Lolo Godofredo ay namasukan mula 1985 hanggang 1989, kabilang siya sa mga miyembro na sumailalim ang rekord sa manual verification. Ngunit kung hindi siya namasukan sa mga nabanggit na taon, mananatili sa kasalukuyang bilang ang kanyang buwanang kontribusyon gayundin ang halaga ng tinatanggap niyang pensyon.
Para sa kanyang kaalaman, lumaki ang tinatanggap niyang pensyon at nagkakahalaga na ito ngayon ng P2,520.00 mula sa P2,400.00. Ito ay matapos ipatupad ng SSS ang limang porsiyentong pagtataas ng pensyon noong Hunyo 2014.
Sana ay mabigyan po ninyo ng puwang sa inyong pahayagan ang paglilinaw na ito.
Salamat po.
Sumasainyo,
MAY ROSE DL. FRANCISCO
Social Security
Officer IV
Media Monitoring and Feedback
Media Affairs
Department
Noted: MA. LUISA P. SEBASTIAN
Assistant Vice President Media Affairs Department