BILANG pagpapahalaga sa nag-iisang Soap Opera Queen ng Philippine TV, nagdesisyon ang Dreamscape Entertainment na hintayin ang panganganak ni Judy Ann Santos bago nila ituloy ang seryeng pagsasamahan nila ni Richard Yap.
Ayon sa pamunuan ng Dreamscape, handa silang hintayin ang pagbabalik-telebisyon ni Juday para sa inaabangang pagtatambal nila ng Kapamilya chinito heartthrob na si Sir Chief sa Someone To Watch Over Me.
Bilang suporta sa muling pagbubuntis ni Juday (dahil balita ngang medyo maselan magbuntis ang aktres), pansamantalang itinigil ang produksiyon ng Someone To Watch Over Me at ipagpapatuloy na lamang sa muling pagbabalik ng misis ni Ryan Agoncillo. Samantala, inihayag ng Dreamscape na isang panibagong teleserye naman ang nakatakdang gawin ni Richard sa ABS-CBN.
Ito ay malapit na ring ianunsyo ngayong Hunyo. Bukod dito, magsisimula na rin ang bagong weekly show ni Richard na Wansapanataym Presents My Kung Fu Chinito sa June 21, Sunday kung saan makakasama niya ang singer-actor-athlete na si Enchong Dee.
Bago na naman ito para kay Sir Chief dahil first time niyang magbibida sa isang fantasy-action weekly series. Ito ang papalit sa nagtapos na last Sunday na Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures na pinagbidahan ng rumored couple na sina Coco Martin at Julia Montes.