Hapee, Café France sisimulan ang Finals duel

hapee

Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. Hapee vs Café France
(Game 1, best-of-three finals)

ILALAPIT ng Hapee ang sarili sa isang panalo para makumpleto ang pagwalis sa dalawang titulo na pinaglabanan sa PBA D-League.

Sa ganap na alas-3 ng hapon ay kalaro ng Fresh Fighters ang Café France sa Game One ng Foundation Cup finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Dumaan sa butas ng karayon ang tropa ni Hapee coach Ronnie Magsanoc bago natakasan ang number one team Cebuana Lhuillier sa tatlong labanan sa semifinals.

Sina Earl Scottie Thompson, Baser Amer at Troy Rosario ay magbabalik para makipagsanib-puwersa uli kina Ola Adeogun, Chris Newsome at Arthur dela Cruz Jr. upang patuloy na mailinya ang hanap na matagumpay na pagbabalik ng Hapee sa amateur basketball.

Sina Thompson, Amer at Rosario ay kabilang sa men’s basketball team na nanalo ng ginto sa SEA Games sa Singapore.

“Maaring magkakaroon ng adjustments dahil ilang laro rin na nawala sila. Hopefully, makasabay kami sa kanila,” wika ni Magsanoc.

Tiyak na naghanda rin ang Bakers na winalis ang Cagayan Valley Rising Suns para mapahinga sa loob ng isang linggo.

Ito ang unang pagkakataon na umabot sa finals ang Bakers sa limang taong pagsali at tiyak na hindi sila kontento na hindi ibibigay ang lahat ng makakaya para tingalain bilang pinakamahusay na koponan sa liga.

Sina Rodrigue Ebondo, Samboy de Leon, Maverick Ahanmisi, Jam Cortez at Eliud Poligrates ang mga mangunguna sa Bakers para makuha ang mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-three series.

“We just have to be relax and enjoy the game,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.

Read more...