Eula Valdez 38th Gawad Urian Best Actress, humagulgol sa stage

urian awards

LITERAL na humagulgol si Eula Valdez nang tanggapin niya ang kanyang Best Actress award sa katatapos lang na 38th Gawad Urian na ginanap kagabi sa Studio 10 ng ABS-CBN.

Nagwagi si Eula para sa pelikulang “Dagitab” kung saan gumanap siya bilang isang maybahay at guro. Hindi napigilan ng aktres ang kanyang emosyon sa sobrang katuwaan.
“Dumalo ako ngayon para lang rumampa at magpa-selfie sa mga nominado. Hindi ko akalain na ako ang mananalo. Kumpleto na ako!” ang umiiyak na sabi ni Eula.
Sa interview naman sa kanya pagkatapos ng awards night, sinabi niyang nanginig talaga siya nang tawagin ang pangalan niya, “Kasi wala akong Urian. Wala pa akong Urian! May Asian TV Awards na ako. Iyon ang unang-una ko.
And then, Star Awards, tapos Young Critics Circle. Ano pa ba, basta meron pa akong iba, e. “Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala. Honestly, hindi ako nag-expect na mananalo, kasi ang gagaling ng mga nominado,” sey pa ni Eula.
Tinalo niya sa laban sina Nora Aunor (Dementia), Angeli Bayani (Bwaya), Ai Ai delas Alas (Ronda), Eugene Domingo (Barber’s Tales), Hazel Orencio (Mula sa Kung Ano ang Noon), Angelica Panganiban (The Thing Called Tadhana) and Nova Villa (1st Ko si 3rd).
Samantala, tulad ni Eula, inatake rin ng matinding nerbiyos ang Superstar na si Nora Aunor nang igawad sa kanya ang Gawad Urian Lifetime Achievement Award.
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko! Napakasarap po ng pakiramdam. At ngayon lang ho yata ito…damang-dama ko ang pagbibigay sa akin ng Natatanging Gawad Urian.
“Ang isang artista po, laging kong sinasabi ay isapuso n’yo lang ang inyong ginagawa, isapuso ninyo kung ano yung mga trabaho na ibinibigay sa inyo at hindi po kayo magkakamali,” ani Ate Guy.
Bago ibinigay kay ate Guy ang award ay nag-perform muna sina Kyla, Jed Madela at Darren Espanto bilang tribute sa Superstar.
Ang award-winning director na si Brillante Mendoza ang nagbigay ng tropeo kay ate Guy, isang patunay na talagang okey na okey na uli ang magkaibigan pagkatapos ng makasaysayang isyu tungkol sa hindi pagpunta ng Superstar sa Cannes Film Festival kamakailan.
Nagsilbi namang mga host nsa gabi ng parangal sina Robi Domingo at Angelica Panganiban. Ang 38th Gawad Urian ay sa pamumuno pa rin ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at napanood nang live kagabi sa Cinema One cable channel.
Narito ang iba pang nagwagi sa 38th Gawad Urian:
Best Picture: Mula sa Kung Ano ang Noon
Best Direction: Lav Diaz (Mula sa Kung Ano ang Noon)
Best Actor: Allen Dizon (Magkakabaung)
Best Supporting Actress:  Gladys Reyes (Magkakabaung)
Best Supporting Actor: Martin del Rosario (Dagitab)
Best Short Film: Kinabukasan (Adolf Alix Jr.)
Best Documentary: Walang Rape sa Bontok
Best Sound: Corinne De San Jose (Violator)
Best Music: Erwin Fajardo (Bwaya)
Best Editing: Lav Diaz (Mula sa Kung Ano ang Noon)
Best Production Design: Popo Diaz (Dementia)
Best Cinematography: Neil Daza (Bwaya)
Best Screenplay: Lav Diaz (Mula sa Kung Ano ang Noon)

Read more...