Poe hahatiin ang boto ng admin

MAY hinala ang mga miron na sinadya ang mga banat na lumabas kay Sen. Grace Poe para mabuyo ito na tumakbo.
Ang plano talaga ay patakbuhin siya pero hindi para maging susunod na pangulo ng bansa, kundi para mahati ang boto ng administrasyon.

Kung tatakbo si Poe, mas malaki umano ang tiyansa ni Vice President Jejomar Binay na manalo. Gagamitin umano ng kampo ni Binay ang scenario na inaakala ng lahat ay katapusan na niya.

Kapag tumakbo si Poe at tumakbo rin si Interior Secretary Mar Roxas na kandidato ng Liberal Party at top on the list ni Pangulong Aquino, mahahati ang boto ng administrasyon.

Ang mga loyal at totoong kaibigan ay inaasahang mananatili kay Roxas at ang iba ay susuporta kay Poe.

Kung magkaganito ay magkakaroon ng bentahe si Binay. Sa mga survey kasi, matapos ang mga anomalyang isiniwalat laban kay Binay halos hindi na gumagalaw ang kanyang rating.

Ang basa ng ilan, hindi na nalalayo dito ang mga boboto kay Binay sa araw ng halalan. Maaaring sabihin na sarado na ang kanilang isip.

Kaya kung mas marami ang tatakbo, mas marami ang maghahati-hati sa boto at lamang dito si Binay.

Yun eh kung hindi lilipat yung iba niyang tagasunod sa ibang kandidato.

At sa dami ng natatakot na mabalikan ng mga Binay at ang mga taong hindi nila maapatawad (sabi ito ng anak ni Binay na si Makati Rep. Abby Binay) siyempre ayaw bilang manalo si VP.

Kaya ang logical na gagawin magsama-sama sila para sure na hindi mananalo si Binay na ayaw namang mangyari ni VP.

Ilang buwan na lamang ay malalaman na kung sino ang mga tatakbo at sino ang lilinya kanino, filing na ng certificate of candidacy sa Oktubre.

Hindi naman masama kung umasa pa si Binay sa endorso ni Aquino.

Kaya lang agad siyang sinopla ni Pnoy. Hindi na raw kailangan nito ang kanyang tulong dahil nanalo naman ito noong 2010 na wala ang kanyang tulong.

Nagbabantayan na ng mga tao, kung sino ang mga kasama ni Binay noong 2010 election at ang mga umalis sa kanya ngayon.

Nangunguna sa listahan si Sen. Francis Escudero na pumirma pa sa rekomendasyon ng Senate blue ribbon subcommittee na sampahan si VP ng plunder dahil sa mga anomalya umano sa mga proyekto ng Makati City Hall kung saan umano siya kumita ng daang milyon kung hindi aabot ng bilyon.

Noong 2010, sinasabing nakatulong ang pag-endorso ni Escudero kay Binay kaya ito nanalo. Noy-Bi ang taya noong ng senador.

Noong 2013, tumakbong guest candidate si Escudero sa administrasyon at oposisyon na pinangunahan ni Binay.

Nang hindi pumupunta si Escudero sa kampanya ng United Nationalist Alliance, sinipa sila papalabas.

At ngayon si Escudero ay tinitingnan na bilang tinik sa lalamunan ni Binay.

Ang tanong ng marami, pipiliin kaya siya ng administrasyon na kandidato sa susunod na taon?

Papayag kaya si Escudero kung sakali o tatakbo siya ng hiwalay sa administrasyon at oposisyon.

Read more...