BINANATAN kahapon ni Pangulong Aquino ang mga mambabatas na patuloy na kumokontra sa pagpasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) matapos namang saksihan ang pagsosoli ng mga armas ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
“Hindi nga pwedeng sasabihin mong para ka sa kapayapaan, pero pinahihirapan mo ang pagbalangkas ng BBL. Yun bang di ka na nga nakuntento sa siyam na butas ng karayom, nagdagdag ka pa ng pansampu at panlabing-isa; parang wala ka nang ibang hangarin kundi siguruhing walang puwang para sa kapayapaan,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.
Bagamat hindi pinangalanan ni Aquino ang mga pinasaringan, nangunguna si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga mambabatas na tutol sa bersyon ng Kamara kaugnay ng panukalang BBL.
“Ano po ba ang itutugon ko pag may nagtanong sa akin, ‘Saan ba yung konsensiya ng mga taong nagpapatagal ng proseso para magkaroon tayo ng kapayapaan?’ Daang libo na nga ang napinsala at namatay, at di na mabilang ang nawalan ng tirahan at nasira ang komunidad, dahil sa apat na dekadang hidwaan,” ayon pa kay Aquino.
Aniya, ang pagsosoli ng mga matataas na kalibre ng baril ng MILF ang patunay na sinsero ito sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng gobyerno.
“Kung di ka papanig sa kapayapaan, ilan pa ang mamamatayan ng mahal nila sa buhay? Ilang pamayanan pa ang maiipit sa putukan at kawalang seguridad? Ilan ang naghihirap na lalo pang maghihirap? Gaano pa katagal bago kumatok sa sarili mong pintuan ang kaguluhan at madamay ang sarili mong mag-anak?” ayon pa kay Aquino.
Kasabay nito, halos pag-awayin na ni Aquino ang mga Kristiyano at Muslim matapos namang sisihin una sa kaguluhan sa Mindanao.
“Ang pinagmulan ng hidwaan ay ang pananamantala ng iilang tao, kadalasan Kristiyano, sa mga kababayan natin dito sa Mindanao. Nang makita ng mga mapanlamang na walang pinag-aralan ang mga nagbubungkal ng lupa, ipinatitulo nila sa kanilang mga sarili ang mga lupain,” ayon pa kay Aquino.
Hindi naman binanggit ni Aquino ang nangyaring pagpatay sa 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) na siyang naging dahilan kung bakit nabalam ang pagpasa sa BBL.
“Ang mga kapatid nating Moro ay nangako, at heto ang pruweba ng kanilang katapatan sa ating harapan. Kusang-loob pong inilatag ng ating mga kapatid ang kanilang armas,” aniya matapos namang umabot sa 74
matataas na kalibre ng baril ang isinoli ng MILF bilang bahagi ng decommissioning sa ilalim ng BBL.
Ayon pa kay Aquino, nagsoli na ng baril ang MILF kahit nakabitin pa ang BBL.
“Nakakalungkot nga po na ang gustong isagot ng ilan sa ating mambabatas sa imbitasyong ito ay itigil ang BBL. Imbes na itanong: Paano ko ba mapapabuti pa ang BBL para matugunan ang hinaing ng mga kababayan natin? Tila pinag-iisipan pa ng iba ay “Paano ko ba ito pipigilan o haharangin?”banat pa ni Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na personal niyang tinututukan ang BBL.
“Pero ito nga po: Kung ang pananaw mo ay pahirapan ang pagpasa ng batas, para mo na ring sinabing ipinagdamot natin ang dapat sana’y sa kanila; sinigurado nating wala silang pagkakataong umangat; ginarantiya nating di na sila bababa sa bundok,” aniya.