Twice-to-beat asinta ng San Miguel Beer

san miguel

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. San Miguel Beer vs Blackwater
7 p.m. Star Hotshots vs Talk ‘N Text
Team Standings: San Miguel Beer (7-2); Alaska Milk (7-2);  Barako Bull (6-3); Globalport (6-4); Rain or Shine (5-4);
Meralco (5-4); KIA Carnival (4-4); Talk ‘N Text (4-5); Star Hotshots (3-5); Barangay Ginebra (3-6); NLEX (2-7); Blackwater (1-7)

PORMAL na susungkitin ng San Miguel Beer ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round ng 2015 PBA Governors’ Cup sa pagkikita nila ng expansion franchise Blackwater Elite mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa alas-7 ng gabi na main game, halos do-or-die na ang tema ng laban ng defending champion Star Hotshots kontra Talk ‘N Text.

Ang Beermen ay may seven-game winning streak matapos na matalo sa kanilang unang dalawang laro.

Ang Elite ay may iisang panalo sa walong laro at hindi na makakarating pa sa quarterfinals.

Ang San Miguel Beer ay sumasandig sa import na si Arizona Reid na sinusuportahan ng reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross.

Nagparada ng bagong import ang Blackwater sa kanilang huling laro. Hinalinhan muna ni Marcus Cousin si Marcus Douthit na naglaro sa Philippine team sa Singapore Southeast Asian Games. Subalit hindi maganda ang naging debut ni Cousin na nagtala ng 16 puntos at siyam na rebounds kasama ng limang turnovers sa 43 minuto. Natalo ang Elite sa Talk ‘N Text, 98-91.

Napatid naman ang two-game winning streak ng Star Hotshots nang sila ay tambakan ng Rain or Shine, 103-88, noong Sabado. Bumagsak sila sa 3-5 record.

Sa larong iyon ay ibinangko ang import na si Marqus Blakely sa fourth quarter dahil sa masagwang performance. Nangako si Blakely na babawi mamaya.

Makakatapat ni Blakely si Steffphon Pettigrew na tutulungan nina Sam Daghles, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams at Larry Fonacier. Ang Tropang Texters ay may 4-5 record.

Aasa naman si Star coach Tim Cone kina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca, Joe Devance at Peter June Simon.

Read more...