HINDI kinaya nina Ruben Gonzales at Jeson Patrombon ang husay ng kambal na Thai netters na sina Sonchat at Sanchai Ratiwatana para makontento sa pilak sa men’s doubles sa tennis sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Umabot lamang ang championship match sa 64 minuto dahil kinapitalisa ng mga Ratiwatana ang mga pagkakamali nina Gonzales at Patrombon tungo sa 6-4, 6-4 straight sets panalo.
May pagkakataon pa ang tennis team na makapag-ambag ng gintong medalya dahil nasa finals ang mixed team at women’s doubles nang nanalo sa semifinals kahapon.
Si Denise Dy ay nakipagtulungan kay Treat Huey at ang nagdedepensang kampeon ay pumasok sa finals nang hiritan sina Tamarine Tansugarn at Sanchai Ratiwatana ng 6-2, 6-3 panalo.
Nakipagsanib-puwersa pa si Dy kay Fil-German Katharina Lehnert para manaig kina Tanasugarn at Peangtarn Plipuech ng Thailand, 1-6, 6-2, 10-8, sa women’s doubles.
Kalaro nina Huey at Dy sina Sonchat Ratiwana at Peantarn Plipuech ng Thailand habang sina Var Wongteanchai at N. Lertcheewakarin ng Thailand ang kaharap nina Dy at Lehnert sa women’s doubles gold medal bout.
Nanatili ang 24 gintong medalya ng Pilipinas upang isama pa sa 31 pilak at 59 tanso para selyuhan na ang ikaanim na puwesto dahil ang Myanmar ay nanatili sa 11 ginto bukod sa 22 pilak at 27 tanso papasok sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
Ang Thailand ay angat pa rin sa 75-73-59 medal tally pero palaban pa rin ang host sa 74-64-94 medal tally para sa ikalawang puwesto.
Halos selyado na rin ng Vietnam ang ikatlong puwesto sa 64-42-54 medalya at 20 ginto ang lamang nila sa Malaysia na may 44-43-58 bilang. Ang Indonesia ang nasa ikalimang puwesto sa 37-47-62 tally.
May tsansa na madagdagan ang ginto ng bansa sa araw na ito dahil bukod sa tennis ay palaban din sa ginto ang mga lahok sa archery, rowing at taekwondo.
Si Amaya Paz Cojuangco ay palaban sa women’s individual compound at balak niyang pigilan ang kawalan ng ginto ng archers.
Ang Olympian na si Benjie Tolentino at Edgar Ilas (1000m lightweight double sculls), Alvin Amposta at Roque Abala Jr. (1000m open pairs) at Nestor Cordova (1000m singles sculls) ay magtatangka na manalo sa rowing habang sina Samuel Morrison at Pauline Lopez ang sisipa sa taekwondo.