Sa isang panahong kailangan ng magagandang mensahe para sa mga bagong kasal ay mukhang hindi tagumpay sina Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga.
Bago, habang at pagkatapos ng kanilang kasal ay puro negang komento ang maririnig, masyado raw namang feeling si Toni, sa takot niyang hindi dumugin ang kanilang kasal ng direktor ay nagawa niya talagang iligaw ang publiko tungkol du’n.
Sabi ng isa naming nakausap, “Kapag may concert si Toni, kapag may bago siyang movie, e, sige-sige siya sa kaiimbita sa mga kababayan natin.
“Pero nu’ng magpakasal siya, hindi naman pala kasali sa big event sa buhay niya ang mga taong hinihingan niya ng suporta kapag may bagong project siya!” paghihimutok ng source.
Kunsabagay ay wala naman sa dami at konti ng mga sumaksi sa kasalan ang barometro ng isang matagumpay na pagsasama bilang mag-asawa.
Ang pagpapanatili ng kanilang relasyon ay nasa mga kamay na ng mga bagong kasal. Pareho namang Kristiyano sina Direk Paul at Toni, kaya nilang pangalagaan ang kanilang relasyon bilang mag-asawa, hangad pa rin namin ang isang maluwalhati at maayos na samahan para sa kanilang dalawa.
Hindi maiaalis ang pagtatampo, lalo na sa panig ng mga tagahanga, tingin daw kasi sa kanila ng ibang personalidad ay mga payaso sila na manggugulo sa kapribaduhan ng okasyon.