Mariel, Robin gagawa uli ng baby sa Spain

robin padilla

SA set visit ng Happy Wife Happy Life talkshow nina Mariel Rodriguez, LJ Moreno-Alapag at Danica Sotto-Pingris ay binanggit sa amin ng business unit head ng programa na si Marj Natividad na may season 3 na sila.

Kaya naman sobrang saya ng tatlong happy wife sa magandang balita na ito, ibig sabihin, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho nila. Pero mawawala naman sa show si Mariel ng isang buwan at kalahati dahil susundan niya si Robin Padilla sa Spain na nauna ng umalis noong isang linggo.

Sabi ni Mariel, “Hindi ako nakasama kasi kay Robin dahil kailangan ko munang mag-taping ng Happy Wife Happy Life, kaso wala ako sa pagbubukas ng Season 3, si Gelli (de Belen) muna ang papalit sa akin,” say sa amin ng TV host.

Bukod sa HWHL ay kailangang nasa opening din si Mariel ng Happy Truck Ng Bayan na simula na ngayong tanghali sa Gagalangin, Tondo. Hindi naman itinago ni Mariel na malaki ang naitulong ng programa nila nina Danica at LJ sa kanya.

“Dumating ‘to sa akin during that time na medyo down ako, so dahil dito sa show na ‘to, mabilis ako naka-recover. So I owe this show a lot talaga. Sa totoo lang, that’s how I see it.

Kumbaga, ito ‘yung binigay sa akin ni God na, ‘don’t worry, sige pabisihin muna kita, next time na kita bigyan ng anak,’ yung ganu’n,” sabi pa ni Mariel.

At happy wife raw talaga si Mariel sa piling ni Robin dahil, “Kasi hindi niya ako ini-stress at masaya kami.”  Sa isang buong season na magkakasama sina Mariel, LJ at Danica ay ano naman ang na-diskubre nila sa isa’t isa? “Hindi pa kami talaga nakakapag-bonding kasi busy, pero nakapag-Hongkong na kami, so nagkasama na kami, nag-rides kami, nag-bus kami.

“Na-discover ko kung gaano ka-hands on mom si LJ, sobrang asikaso siya, nakipaglaro ako sa mga anak nila, ang ganda ng set-up nila, ang galing kung paano nila pinalalaki ang mga anak nila.

“Tapos si Danica, na-discover kong motherly material. Like example nakita niyang gusot ‘yung damit mo, aayusin niya ‘yun o ‘yung buhok mo, ganu’n siya. Playmates ko nga ‘yung mga anak nina Danica at LJ,” kuwento ni Mariel.

Kaya pag nagkaanak daw sila ni Robin, “Sabi ko, babalikan ko ito (Hongkong) pag meron na kaming anak.”  Samantala, ngayong gabi ang lipad ni Mariel patungong Spain para makapiling na ang asawa kasama ang dalawa nitong step daughter na sina Queenie at Shen-Shen.

Napag-usapan din lang namin si Queenie ay tinanong na namin si Mariel tungkol sa pag-aasawa ng panganay ni Binoe.
“Di ba Reggs, sinabi ko naman sa ‘yo kapag tungkol sa mga anak ni Robin, ayokong makialam, ayokong mag-comment, pero ito lang ang masasabi ko, si Queenie, mabait ‘yan na bata, mabait siya na anak kasi doon sa pagiging Muslim niya, kailangan mabuti kang anak.

“Nagulat lang siguro ang lahat kasi hindi naman si Queenie ‘yung tipong showbiz na isini-share ang lahat, actually matagal na niyang na-post ‘yun sa Instagram niya, ngayon lang talaga pumutok.

Samantala, pagdating daw ni Mariel sa Spain ang una niyang gagawin ay, “Kakain ako ng Spanish food at mamasyal siyempre. Tapos may lugar doon na Padilla de Abajo, Padilla de Jita, lahat ng may Padilla.

Kasi iyon ang hinahanap ni Robin, tungkol sa Padilla. “So, bonding moments namin iyon with the kids, Queenie and youngest daughter si Sherilyn. Wala sina Kylie kasi busy sa work, may show at si Ali naman nag-aaral,” kuwento ni Mariel.

Posible kayang mabuntis uli siya na made in Spain? “Ayoko namang sabihin kasi baka ma-sad ako pag hindi, pero kung ibibigay Niya, e, di thank you. Pag hindi, e, di hindi ka nage-expect,” pahayag ni Mariel.

“Actually, itong trip na ito (Spain) kaya ito pinlano ni Robin is because of what happened (nakunan siya), para sabi niya, malibang daw ako. Kaya niya ginawa ito.

Ending, siya ang naunang umalis, maglamyerda, ako heto nagtatrabaho. Ha-hahaha!” tumatawang sabi ng TV host.

 

Read more...