Kampon ng kadiliman

NAKAKATAWA ang si-nabi ni Vice President Jojo Binay na kapag siya ay nahalal na pangulo, tatanggalin niya ang mga korap sa gobyerno.

Hahahaha!

Si Binay ay “kampon ng kadiliman: pagdating sa korapsyon.

Hindi pa binibigyang aksyon ng Senate blue ribbon committee ang kahilingan ng whistleblower na si Rhodora Alvarez na isailalim siya sa Witness Protection Program.

Ramdam ni Alvarez na nanganganib ang kanyang buhay dahil binangga niya ang matataas ng opisyal ng Department of National Defense (DND) at Philippine Air Force (PAF).

Nilantad ni Alvarez ang korapsyon sa pagbibili ng 21 helicopters na nagkakalaga ng P1.26 billion na sabi niya ay “bulok.”

Ang transaksiyon ay pagbili ng mga helicopter scraps sa Germany, pagdala ng mga ito sa Estados Unidos upang buuin na maging helicopters bago ipadala sa ating bansa
upang gamitin ng PAF.

Pinagmalaki pa ni Pangulong Noy sa kanyang 2014 State of the Nation Address (Sona) na ang mga darating na 21 chopper ay mga “state of the art.”

Ang hindi alam ni P-Noy, ani Alvarez, ay ginawa lang ang mga chopper sa likod ng bahay ng may-ari ng Rice Aircraft na si Robert Rice.

Ang Rice Aircraft ay isang maliit na pagawaan ng maliliit na lumang aircraft na kanilang niri-refurbish upang magmukhang bago.

(Kung hindi nagkakamali ang inyong lingkod, pinagbabawal ng Commission on Audit ang pagbili ng mga lumang equipment ng gobiyerno)

Nang dumating ang pitong helicopters sa bansa, hindi pumasa ang mga ito sa inspection ng PAF.

Pero tinanggap na lang ang mga ito ng Air Force matapos ma-pressure si Lt. Gen. Jeffrey Delgado, PAF chief, ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, ani Alvarez.

Ang anomalya ay iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee at si Alvarez, na isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang whistleblower.

Nabasa ng inyong lingkod ang affidavit ni Alvarez at kung ito ang maging basehan ay makukulong sina Gazmin, Delgado at Defense Undersecretary Fernando Manalo. Si Manalo ang head ng DND bids and awards committee.

Detalyado ang affidavit ni Alvarez at sinabi niya kung magkano ang tinanggap nina Gazmin at Manalo na commission.

Kaya’t dapat ay dalian ang pagsasailalim kay Alvarez sa Witness Protection Program upang mapangalagaan ang kanyang kaligtasan.

May mga bali-balita na si Immigration Commissioner Siegfred Mison ay tatanggalin na dahil sangkot ito sa korapsyon sa Bureau of Immigration.

Malayong mangyari na sangkot sa anomalya si Mison sa immigration bureau.

Si Mison ay isa sa pinakamalinis at pinakamatapat na naging commissioner ng Bureau of Immigration.

Nagmana siya sa kanyang ama na si dating Customs Commissioner Salvador Mison na isang retired lieutenant general ng Army.

Si Siegfred Mison ay graduate ng West Point o US Military Academy at siya’y nagtuturo sa Ateneo College of Law.

Hindi niya inaplayan ang posisyon ng immigration commissioner; ito’y inalok sa kanya.

Bakit di na lang prangkahin ng Aquino administration na tinatanggal si Mison dahil hindi siya nakakapag-contribute sa campaign fund ng Liberal Party?

Read more...