KIA, may patutunguhan

APAT na panalo sa pitong laro! Bale fifty seven percent batting average!

Aba’y mukhang may magandang patutunguhan ang KIA Carnival sa PBA Governors’ Cup.

Sa kasalukuyan ay nasa ikaapat na puwesto ang Carnival at maraming matitinding koponang nalampasan. Nakamit nila ang mataas na puwestong ito matapos na masilat ang nangungunang Barako Bull, 71-68, noong Miyerkules ng gabi.

Bunga ng pagkatalo ay bumagsak sa ikalawang puwesto ang Energy at naunahan sila ng rumaragasang San Miguel Beer na may pitong sunud-sunod na tagumpay matapos na mabigo sa unang dalawang laro.

Nasa ikatlong puwesto naman ang Alaska Milk.

Kung noong Miyerkules natapos ang elimination round, aba’y may twice-to-beat advantage ang KIA Carnival sa quarterfinals. Iyon ang nakalaan sa top four teams.

Laban sa Barako Bull ay dumikit lang ang KIA hanggang sa huli upang makatuka. Actually, umabante ng anim na puntos ang Energy sa huling apat na minuto pero pinalis lang ito ng Carnival nang gumana na ang kanilang depensa.

Hindi nakatulong sa Barako Bull ang pangyayaring malamya ang naging performance ng kanilang high-scoring import na si Liam McMorrow na nalimita sa 12 puntos.

Actually, mas kaunti ang ginawa ni KIA import Hamady N’Diaye na nagtala lang ng walong puntos. Pero humugot ito ng 14 rebounds, nakasupalpal ng limang tira ng kalaban at nakapagbigay ng tatlong assists.

Ang KIA ay pinamunuan ng Asian reinforcement na si Jet Cahang na gumawa ng 15 puntos. Nagdagdag ng 10 si LA Revillla at tig-syam sina Hans Thiele at Hyram Bagatsing.

Ang unang tinalo ng KIA sa season-ending tournament ay ang Philippine Cup champion San Miguel Beer, 83-78. Bale nadalawahan ng Carnival ang Beermen dahil tinalo rin nila ang San Miguel sa nakaraang Commissioner’s Cup.

Dinaig din ng KIA ang NLEX, 85-82, at kapwa expansion franchise Blackwater Elite, 83-76.

Pero alam ni KIA assistant coach Chito Victolero na hindi pa puwedeng magbunyi ang koponan kahit pa nasa fourth place sila ngayon. Ito ay bunga ng pangyayaring matitindi pa ang mga kalaban ng Carnival sa kanilang huling apat na laro.

Makakasagupa nila ang Globalport bukas. Sa Miyerkules ay katunggali nila ang rumeremateng Rain or Shine. Sa susunod na Biyernes ay magkikita sila ng bumabawing Talk ‘N Text. Ang huli nilang kalaban ay ang Meralco Bolts sa Hunyo 24 na siyang final day ng elimination round.

Matindi pa, hindi ba?

Pero siyempre, buo na ang loob ng mga bata ni Victolero, kahit sino ay pipilitin nilang itumba basta’t matupad ang hangaring makarating sa quarterfinals sa kauna-unahang beses sa unang taon nila bilang miyembro ng pro league.

Isang malaking achievement iyon. At walang nag-akalang kaya nilang gawin iyon!

Read more...