Ulboc, PH men’s poomsae team wagi ng ginto sa SEAG

NAGTAGUMPAY ang pagsasama-sama nina Dustine Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr. para makuha ang ginto sa men’s poomsae event sa taekwondo sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore kahapon.

Ang tatlo ay kumulekta nang kabuuang 7.850 puntos mula sa ipinakitang routine para daigin ang mga lahok ng Vietnam (7.720) at Indonesia (7.505) na nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto.

Napagtagumpayan naman ni Christopher Ulboc Jr. na maidepensa ang kampeonato sa men’s 3,000m steeplechase event sa athletics para may iselebra kahit bigo ang kampanya ng track and field delegation na maabot ang kanilang target sa laro.

May 8:59.07 tiyempo si Ulboc para talunin sina Tien San Pham ng Vietnam (8.59.90) at Atjong Tio Purwanto (9:06.41) sa pagtatapos ng athletics event kahapon.

Ito ang ikalimang ginto ng Pilipinas sa track and field na hindi lamang malayo sa naunang sinabing kakayahang manalo ng hindi bababa sa walong ginto kundi kapos pa ng isa sa anim na napanalunan sa 2013 SEA Games sa Myanmar.

Ang naunang apat na ginto ay naihatid nina Fil-Ams Eric Shawn Cray (100m at 400m hurdles), Caleb Stuart (hammer throw) at Kayla Richardson (100m).

Huling naisukong titulo ng bansa ay sa men’s long jump at 400m run nang sina Fil-Am long jumper Donovant Areola (7.51m) at 400m runner Edgar Alejan (47.08 segundo) ay nakontento sa tansong medalya.

Ang dating kampeon sa 400m na si Archand Christian Bagsit ay hindi nakapasok sa finals habang si Henry Dagmil, na hari sa long jump sa Myanmar, ay pumang-anim lamang sa 7.28m marka.

Sa kabuuan, ang athletics team na mayroon pang pitong pilak at siyam na tansong medalya, ay pumang-apat lamang sa pangkalahatan kasunod ng Thailand (17-13-9), Vietnam (11-15-8) at Indonesia (7-4-4).

Sa overall medal tally, nanatili ang bansa sa ikaanim na puwesto sa 24 ginto, 28 pilak at 50 tansong medalya at lamang na ang delegasyon ng 13 ginto sa Myanmar na nasa ikapitong puwesto sa 11-22-25 medal count.

Ang Thailand na ang nasa unahan sa 71 ginto, 66 pilak at 52 tansong medalya.

Read more...