BIBIGYANG-BUHAY ng award-winning child actor na si Zaijian Jaranilla sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (Hunyo 13) ang karakter ng isang dating batang kalye na nakapagtapos ng pag-aaral.
Matapos nilang maglayas ng kanyang kapatid, namulat si Rustie (Zaijian) sa iba’t ibang klase ng bisyo at kasamaan nang napasama siya sa mga batang kalye na nagnanakaw at gumagamit ng droga.
Ngunit unti-unting nagbago ang buhay ni Rustie nang nakilala niya ang isang street artist na nagbigay sa kanya ng inspirasyon at pag-asa na tuparin ang kanyang pangarap na makapag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad.
Paano nakatulong ang mga hirap at sakit na pinagdaanan ni Rustie para maabot niya ang kanyang mga hangad sa buhay?
Saan nga ba niya nakuha ang lakas ng loob para talikuran ang kanyang nakaraan at baguhin ang kanyang kapalaran?
Makakasama rin sa espesyal na episode na ito ng MMK ngayong Sabado sina Andrea del Rosario, Cris Villanueva, Kean Cipriano, JM Ibañez, Jeric Raval, Lance Lucido, Kokoy Desantos, Kyle Banzon, Tanya Gomez, Encar Benedicto, Junjun Quintana, Gerald Pesigan, John Vincent Servilla, Carlo Lacana, Winryll Banaag at Tony Manalo.
Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Garry Fernando at as panulat ni Ruel Montañez. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.
Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, MMK, ngayong Sabado, 7:15 p.m., pagkatapos ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN.
In fairness, ang laki na rin ngayon ni Zaijian, teenager na rin ang bagets (13 years old na siya) at iba na rin ang kanyang boses. Kaya asahan na nating sa mga susunod na panahon ay isa na rin siya sa magiging panlabang matinee idol ng ABS-CBN.