TINUPAD ng Teen King na si Daniel Padilla ang promise niya sa mga kababayan nating Aeta sa isang barangay sa Tarlac.
Kamakailan, muling nagpunta si Daniel sa Sitio Tarukan, Tarlac para mabisita at makumusta ang mga residente roon na karamihan ay nabubuhay pa rin sa dilim dahil wala pa rin silang kuryente.
Kaya naman sa pagbabalik doon ng Teen King ay dala na niya ang kanyang ipinangakong regalo para sa mga residente roon. Pinangunahan nga ng binata ang pag-iilaw ng ilang poste at mga bahay sa Sitio Tarukan kung saan nabigyan na ng “liwanag” ang may 91 pamilya sa lugar.
Nakasama ni DJ sa charity event na ito ang ilan sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya, kabilang na ang kanyang mga endorsements.
Napamahal na si Daniel sa mga kababayan nating naninriahan sa nasabing lugar simula nang mag-shooting sila roon para sa pelikulang “Crazy Beautiful You” kung saan nakasama niya si Kathryn Bernardo.
Sabi pa ni DJ, ito’y bilang pasasalamat na rin sa tagumpay ng bago nilang serye ni Kathryn sa ABS-CBN na Pangako Sa ‘Yo at sa soldout concert niyang “Most Wanted” na magaganap na sa Sabado sa MOA Arena.
In fairness, talagang hindi paaawat ang mataas na rating ng PSY gabi-gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Patuloy kasi itong inaabangan hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo kung saan may TFC.
Kaya naman abot-langit ang pasasalamat ng KathNiel sa madlang pipol na patuloy na tumututok sa PSY.