KAKAPASOK ko pa lang sa isang computer company last May 25. Gusto ko lang sanang itanong sa DOLE kung ano po ba ang computation kapag pumasok ako on June 12? Nataon kasi na day-off ko ito pero kailangan daw po namin matapos ang mga programs namin kaya pinapapasok ako ng boss ko.
Bukod ba sa double pay ito, may dagdag na sweldo pa rin ba ito kahit kapapasok ko pa lang? Please help me para alam ko kung covered ba ako ng nasabing benepisyo.
Thanks po
and more power.
Karen Kaye Salcedo
REPLY: Para sa iyong katanungan, Ms. Salcedo, napakahalagang malaman ng mga manggagawa ang kanilang mga benipisyo kabilang na ang dagdag-sahod tuwing regular holiday.
Nagpaalala na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng employer na tuparin ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng tamang pasahod ngayong Araw ng Kalayaan (Hunyo 12).
Idineklara ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Araw ng Kalayaan bilang regular holiday alinsunod na rin sa Proclamation 831.
Para sa Hunyo 12, ang tamang pasahod na dapat sundin para sa regular holiday ay ang sumusunod:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, tatanggap ito ng 100 porsiyento ng kanyang sahod sa nasabing araw.
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing araw, tatanggap siya ng 200 porsiyento ng kanyang regular na sahod para sa unang walong oras. Para sa kanyang pagtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime work), ang empleyado ay tatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.
Kung ang nasabing araw ay araw din ng kanyang pahinga at siya ay nagtrabaho, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang kita na 200 porsiyento.
Kung ang empleyado ay nagtrabaho nang mahigit sa walong oras sa araw ng kanyang pahinga sa nasabing araw, siya ay tatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita.
Kung may karagdagang katanungan, maaari kayong tumawag sa DOLE Hotline 527-8000, sa Bureau of Working Conditions, 527-3000 local 301 o 307, o sa pinakamalapit na DOLE Regional Office sa inyong lugar (para sa DOLE-NCR, 400-6011.)
Dir. Nicon
Fameronag
DOLE Director for Communications /Spokesperson
Department of Labor and Employment
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.