Ang panggagantso ng MRT, LRT

LIMANG buwan na ang nakalilipas simula nang magtaas ng singil sa pasahe ang MRT at LRT, pero hanggang ngayon ay walang nakikitang pagbabago sa sistemang ipinatutupad ng departamentong sumasakop dito.

Nang ipatupad ang taas singil sa pasahe sa LRT 1 (Monumento hanggang Baclaran) na P30 mula sa dating P20; sa LRT 2 (Recto hanggang Santolan) na P25 mula sa dating P15; at MRT (North Avenue hanggang Taft Avenue) na P28 mula sa dating P15, marami ang pikit-mata na lang na pumayag sa pag-asa na baka ito nga ang paraan para kahit papaano ay maibsan ang pasakit na kanilang tinitiis sa bawat araw nang kanilang pagsakay sa mga tren na ito.

Positibong-positibo si Transportation and Communication Secretary Joseph Emilio Abaya na kasabay nang pagtaas ng pasahe ay unti-unting makikita at mararamdaman ang magagandang pagbabago sa MRT at LRT.

Nariyan ang pangako na magkakaroon ng mga panibagong tren, pagsasaayos ng riles, pag-upgrade ng signaling system, bagong radio communications system para sa mas mabilis at ligtas na paglalakbay, pagsasaayos ng mga elevator, escalator, comfort room. Kasama na rin ang pagbili ng tap and go ticketing system para mapabilis ang pagpila ng mga tao na lalabas at papasok ng mga istasyon.

Kung kukwentahin baka nasa bilyong piso na ang nagantso ng pamunuan ng MRT at LRT mula sa mga riders nito dahil sa fare hike na ipinatupad noong Enero, ngunit hanggang ngayon ay walang makitang mabuti at konkretong pagbabago.

Ang ikinasasama pa ng loob ng maraming commuter ay imbes na umayos kahit papaano ang sitwasyon ay lalo pang lumala.

Kung dati-rati, ang commuter ay pumipila ng 45 minuto bago makasakay (tuwing rush hour), ngayon ay isang oras o mahigit pa.

Dagdag pa rito ang sadyang matagal na byahe dahil kung hindi mabagal ang takbo ng tren ay nasa lima o pitong tren lang ang bumibyahe.

Mas tumindi pa ang sitwasyon ngayon dahil palagi ring sira ang cooling system o aircondition ng MRT at LRT. Isipin na lamang ninyo ang kondisyon ng mga pasahero na bukod sa tagaktak ng pawis ay mala-sardinas ang lagay sa umaapaw na tren.

Kung hindi ka mapapabuntong-hininga ay kikilabutan ka.

Kaawa-awa ang ating mga kababayan na araw-araw ay nagtitiis sa sitwasyong ganito bukod pa sa araw-araw din silang ginagantso ng MRT at LRT dahil sa paniningil ng mahal na pasahe na ang kapalit naman ay hindi maikukumparang bulok na serbisyo.

Mas lalong naging aba ang lagay ng ating mga kababayan dahil tila iniwanan sila ng gobyerno na sana ay siyang nangungunang nagmamalasakit sa lagay ng kanyang mamamayan ngunit siya pang pasimuno sa pagpaparusa sa kanila nang sandaling ayunan nito ang pagtaas ng singil sa pasahe; at ngayon ay nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa araw-araw na sigaw ng mamamayan.

Sa nalalabing panahon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, ito ba ang pamana na iiwan ng kanyang administrasyon – bulok at palpak na mass transport system?

Read more...