PAGSISIKAPAN ng mga national boxers ng bansa ang maitala ang pinakamagandang pagtatapos sa SEA Games sa pag-asinta ng walong gintong medalya ngayon sa Expo Hall sa Singapore.
Ang Pilipinas ang may pinakamaraming bilang ng boksingero sa finals habang ang karibal na Thailand ay mayroong lima kasunod ng Vietnam na may apat. Ang Singapore at Indonesia na may tigalawa at ang Cambodia na may isang boxer sa gold medal round.
“Nakafocus silang lahat sa misyon na makuha ang gintong medalya. Handang-handa ang mga boxers natin,” wika ni PH coach Nolito Velasco.
Unang sasalang si dating world champion at 3-time SEAG gold medalist sa light flyweight division na si Josie Gabuco.
Sasagupa siya kay Chuthamat Raksat ng Thailand sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ang iba pang female boxers na nasa gold medal bout ay sina Irish Magno laban kay Nguyen Thi Yen ng Vietnam sa flyweight at Nesthy Petecio laban kay Le Thi Bang ng Vietnam sa bantamweight division.
Si Rogen Ladon ang magbubukas ng laban sa kalalakihan kontra kay Komelis Kwangu Langu ng Indonesia sa light flyweight; Ian Clark Bautista labah kay Mohamed Hamurdin Hamid ng Singapore sa flyweight, Mario Fernandez laban kay Thanes Ongjunta ng Thailand sa bantamweight; Junel Cantancio laban kay Nguyen Van Hei ng Vietnam sa lightweight at Eumir Felix Marcial laban kay Tai Jia Wei ng Singapore sa welterweight. —Mike Lee