NABABAGO talaga ang estilo ng pamumuhay ng pamilyang OFW.
Nakaka-dalawang taon pa lamang na nagtatrabaho si Mario sa ibayong dagat. Talagang todo kayod si mister dahil pangako niya sa pamilyang naiwan, magandang buhay ang tanging nais lamang niya para sa kanila.
Gayong naghahalo ang lungkot at saya… wala rin namang magawa ang mga anak nito. Dahil bilang padre de pamilya, ang kanilang tatay lamang ang siyang nagdedesisyon. Si misis naman oo lang din ng oo. Payag siya sa anumang mga desisyon ng asawa.
Palibhasa wala namang trabaho si misis, kung kaya’t todo suporta na lamang siya sa mister. Sa ganang sarili kasi, wala din naman ‘anya siyang kakayahang buhayin ang kanilang mga anak. Kaya’t kahit ano pang naisin ni mister, sunud-sunuran na lamang si misis.
Sabi naman ng ibang mga misis ng OFW, mas okay na rin sa kanilang nag-aabroad ang mister. Matitiis naman ‘anya ang pansamantalang mga paghihiwalay, at may mga technology na ngayon na napakabilis na ng komunikasyon at hindi naman kamahalan. Internet connection lang, puwede na ang lahat!
Isa pa kapag nasa abroad na si mister, pakiramdam ng maraming misis, hindi na sila obligadong mag-hanap buhay para sa pamilya dahil siguradong may maaasahan naman silang padala buwan-buwan para sa mga gastusin sa bahay. Ang dating masisipag na mga may-bahay, nagiging tamad na rin at nagagawa pang mag-barkada dahil sa may nagagamit na pera mula kay mister. Iyan ang pinakamalaking pagkakamali ng maraming mga asawang babae kapag nag-abroad ang mister.
May iba pa ngang magigiting na maybahay na nagkaroon pa ng panibagong bisyo. Kung andres de saya ang asawa, kukulitin niya si mister na padalhan siya ng ticket patungo sa bansang pinagta-trabahuhan ng asawa at sasamahan niya doon. Lalo pa kung may sariling tuluyan ito sa abroad. Ipagluluto ‘anya niya, ihahanda sa pagpasok sa araw-araw at siyempre para mabantayan na rin.
Pero may kapalit iyon. Malaking gastos din ang kailangang gugulin kapag nag-aabroad. Doble kaagad ang gastos pagdating niya sa abroad. At ang matindi pa, iiwanan ang kanilang mga anak sa katulong o kamag-anak na lamang. Sa puntong iyan, nababago na din ang mga bata. Wala na kasi ang isang magulang na natira na nga lang na siyang dapat tumingin, dumisiplina sa kanilang mga anak habang nasa abroad ang kanilang tatay.
Ang dating mabait at masunuring anak, palibhasa iba na ang kasa-kasama, maaaring maimpluwensiyahan ng masamang mga pag-uugali.
Iyan ay kung hindi magloloko si mister. Mababago ang lahat kapag hindi na tumupad sa kaniyang pangako ang isa na mananatiling tapat sa kaniyang kabiyak kahit magkahiwalay pa sila.
Kapag nagloko kasi ang OFW at nakakuha ng ka-foreign affairs o kalaguyo sa ibayong-dagat at sa bandang huli, bumuo na rin ng sariling pamilya sa abroad, magkaka-anak at maninirahan na sa sarili nilang apartment, doon papasok ang malaking problema ng pamilya sa Pilipinas.
Dahil kahit anong pakiusap, pangungulit, pananakot ng demanda, balewala na lahat yan! Hindi matitinag ang isang nagpapakasasa’ sa bawal na pag-ibig. Sa kaligayahang pakiwari niya’y hindi niya natikman kahit kailan sa kaniyang pamilya.
Kaya sa panibagong pamilya itotodo ang lahat ng kaniyang pinaghihirapan at aamutan na lamang ng pakonti-konti o minsanan na lamang ang pagpapadala sa pamilyang naiwan.
Kaya ang tanong sa bandang huli… ito pa rin kaya ang buhay nila ngayon kung hindi nag-abroad si mister? Puwedeng oo at puwede ring hindi. Nasa tao naman yan! Kung pipiliin ba nilang masira ang pamilya, puwede! Kung hindi, puwede rin naman!!!
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424.