Gibaan tuloy para sa July survey

PARA sa mga nagbabalak tumakbo sa 2016 presidential elections, napakahalaga ng resulta ng survey na gagawin ngayong buwan.

Ang resulta ng survey ang magdidikta sa ilan kung itutuloy ang pagtakbo sa mataas na puwesto o kakampi na lamang sa mga mas mataas ang rating.

Kaya naman inaasahan ang samu’t saring banat ngayong buwan. Sa Hulyo ay inaasahang lalabas na ang resulta ng survey at ang susunod ay gagawin sa Setyembre at lalabas sa Oktubre.

At kung may mga lalabas na banat, syempre nariyan din ang sisihan. Ang magturo kung sino ang dapat sisihin sa lumabas na banat.

Noong nakaraang linggo lumabas ang pahayag si Vice President Jejomar Binay. Ang sabi niya, ayon sa ulat, gigibain ng Liberal Party si Sen. Grace Poe gaya ng ginawa nito sa kanya.

Ang nakakatawa lang, nang lumabas ang naturang ulat, humarap sa media ang kaalyado niya na si Navotas Rep. Toby Tiangco at isiniwalat na hindi umano kuwalipikado si Poe na tumakbo sa pagkapangulo dahil sa kanyang residency.

Hindi naman siguro pakawala ng LP si Rep. Tiangco di ba?

Si Rep. Tiangco ang interim president ng United Nationalist Alliance na itinayo ni Binay at dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada noong 2013 para sa mga napisil nilang maging senador na karamihan ay natalo. Ang bulong-bulungan, siya ang magiging speaker kung si Binay ang mananalong pangulo.

Ang isyu ni Tiangco ay hindi pwedeng tumakbo si Poe pero ang natutukan ng husto at naging malaking isyu ay ang pagiging ampon ng senadora.

Nag-boomerang umano ang banat ni Tiangco kaya iwas-pusoy kaagad si VP Binay na sinabi na siya ay ampon din (nauso ata ang ampon, bakit ito ba ang hula sa magiging susunod na pangulo?).

Sabi ni Tiangco sa isang presscon kailangan niyang proteksyunan ang kanyang boss pero wala umanong kinalaman sa kanyang isiniwalat si VP Binay.

Inihalimbawa niya ang scenario ng isang boss at kanyang bodyguard. Si VP ang boss at siya ang bodyguard.
Aniya, kung may nakita siyang sasaksak sa kanyang boss mula sa likuran, magpapa-alam pa daw ba siya sa boss niya at tatanunging kung ipagtatanggol niya ito.

Humirit pa ng ceasefire sa word war si Makati Rep. Abigail Binay dahil habang tumatagal at napag-uusapan ay hindi ito nakabubuti sa kanyang ama, ayon sa mga nakamasid sa mga nangyayari.

Palagay ng iba, gustong gibain ng kampo ni Binay si Poe na siyang pinakamalapit nitong kalaban sa presidential elections.

Kung hindi nila makukuha si Poe na maging running mate ni Binay, baka ang nais nila ay sirain na lamang ito upang hindi maging balakid sa kanilang mga pangarap. Putikan ba para lahat sila ay mayroong dumi kapag huhusgahan na sa halalan.

Hindi na naman ito bago sa pulitikang pinoy.

Pero kung hindi kayang harapin ni Binay ang mag alegasyon sa kanila, si Poe ay hinarap ito kaagad at ng walang pag-aalinlangan.

Mayroon namang nakapansin sa biglang paglutang ng istorya kaugnay ng posibleng pagtakbo ni Estrada bilang running mate ni VP Binay.

Kung noong 2010 polls, Erap-Binay, sa susunod na taon ay may tumitingin sa Binay-Erap.

Kung tumakbo daw si Estrada sa pagka-alkalde ng Maynila noong 2013, bakit hindi VP na mas mataas?

Pero hindi pumayag si Estrada na baka tumakbo muli para sa ikalawang termino ng pagiging alkalde o baka presidente pa. Baka si Estrada pa ang tumakbo sa pagkapresidente at si VP Binay ang kunin niyang running mate. Palagay nyo? Sikat pa rin naman hanggang ngayon si Erap at malakas pa rin ang kanyang karisma sa publiko.

Read more...