DEDMA sa isa’t-isa sina Sen. Grace Poe at Sen. Nancy Binay simula nang kuwestiyunin ng mga opisyal ng United Nationalist Alliance (UNA) ang kuwalipikasyon ng una na makatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.
“Hindi pa,” sabi ni Poe sa isang text message kahapon nang tanungin kung nag-usap na sila ni Binay matapos ang isyu hinggil sa kanyang residency.
Matatandaang kinuwestiyon ni UNA interim president at Navotas Rep. Toby Tiangco ang kuwalipikasyon ni Poe na makatakbong pangulo o bise presidente sa susunod na taon sa pagsasabing hindi siya pasok sa 10-taong residency requirement na itinatadhana ng ng batas.
Nag-sorry na si Tiangco matapos namang maapektuhan ang relasyon sa pagitan ng mga Binay at ni Poe.
Inamin ni Binay na hindi pa sila nakakapag-usap ni Poe.
“Di ba sabi ko pahupain muna natin yung situation? Hurtful words were said…There will be a perfect timing for that na mag-uusap-usap,” sabi ni Binay.
Idinagdag naman ni Binay na okay lang na makatrabaho niya si Poe.
“Tingnan natin, who knows baka mamaya ’pag nagkita kami sa lounge we’ll start talking,” ayon pa kay Binay.
Iginiit naman ni Binay na dapat manaig ang pagkakaibigan sa kanila ni Poe.
“Parang kumbaga, lahat kami are heeding the call of my sister na tigilan muna yang mga ganyang mga issue kasi nga kumbaga mas dapat manaig yung pinagsamahan kaysa politika,” sabi pa ni Binay.