TILA nagiging “traditional politician” na si Senador Grace Poe dahil sa pagdadahilan nito kaugnay sa kinukwestyon na tagal ng paninirahan niya sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Raymond Fortun na ang isang “traditional politician” o trapo ay ang mga pulitikong kahit huling-huli na ay nagpapalusot pa rin.
“Parang nagiging “traditional politician” na po siya na gumagawa ng mga palusot dahil nahuli na po siya. Ang mga traditional politician kasi diba, huling-huli na gumagawa pa ng mga palusot eh,” sinabi ni Fortun.
Sinabi ni Fortun na kung totoong “honest mistake” ang pagkakalagay ni Poe sa kaniyang Certificate of Candidacy (COC) noong 2012 na 6 years and 6 months na siyang residente ng bansa, dapat ay noon niya pa ito inamin at hindi na hinintay pang may kumwestyon dito.
Iginiit naman ni Fortun na mataas ang kaniyang respeto sa senadora at bilib siya sa talino nito at sa kaibahan niya sa ibang kapwa niya Senador.
“I don’t want Senator Poe to be like that, I would rather na ganoon pa din ang pagtingin ko sa kaniya na matalino at talagang kakaiba siya sa ibang Senador,” dagdag pa ni Fortun.
Ayon kay Fortun, dahil pinanumpaan ni Poe ang kaniyang COC kung saan niya isinulat na 6 years and 6months na siya noon na residente ng Pilipinas, maaring gamitin ang nasabing dokumento na batayaan ng kaniyang “residency”.
Naniniwala si Fortun na bilang isang “well educated at very well intelligent” ang senador, imposible na magkamali ito sa pagkakaunawa sa dapat na ilagay na detalye sa COC.
Dahil dito sinabi ni Fortun na talagang kulang pa si Poe sa residency requirement para tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections. Mas mabuti ayon kay Fortun na hintayin na lamang ni Poe ang 2022 elections at saka sumabak sa pagkapangulo.
“Madam Senator, I admire you, just continue your work as a Senator huwag po sana kayo magpapadala sa mga taong nag uudyok sa inyo into a higher post dahil baka magkaproblema po kayo,” mensahe ni Fortun kay Poe.
Nilinaw namman ni Fortun na wala siyang pinapanigang partido kaya hindi masasabing paninira sa kandidatura ni Poe ang kaniyang mga pahayag.
MOST READ
LATEST STORIES