Baldivino wagi ng ginto sa shooting

NASA target ang shooter na si Elvie Baldivino para ibigay ang ginto sa women’s precision pistol na pinaglabanan kahapon sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Ang 34-anyos kasapi ng Philippine Navy na si Baldivino ay pumangalawa sa qualifying round (140) at pumangalawa rin sa semifinals (230) para makuha ang karapatang labanan ang hometown bet na si Narizan Mustafa na may 234 puntos sa semis.

Dikitan ang labanan para sa ginto pero matatag ang pulso ni Baldivino para kunin ang 230-228 panalo sa karibal na Singaporean.

Ito ang ikalawang medalya ni Baldivino dahil ang women’s team na binubuo rin nina Carmela Guillermo at Franchette Shayne Quiroz ay tumapos taglay ang 1700 puntos para pumangalawa sa Thailand (1723).

Ito na ang ikapitong ginto ng Pilipinas bukod pa sa 10 pilak at 19 tansong medalya pero sapat lamang ito upang manatili sa ikapitong puwesto sa medal standings.

Ang Myanmar ang nasa ikaanim na puwesto bitbit ang 8-11-14 habang patuloy naman ang pangunguna ng host Singapore sa 31 ginto, 24 pilak at 44 tansong medalya at kasunod nila ang Vietnam (24-9-29), Thailand (23-27-24), Indonesia (13-13-21) at Malaysia (12-19-22).

Madaragdagan pa ang ginto ng bansa dahil nasa finals ng women’s 9-ball singles sina Chezka Centeno at Rubilen Amit.

Tinalo ng baguhang si Centeno si Siraphat Chitchomnart ng Thailand, 7-5, habang pinagpahinga ni Amit si Aye Mi Aung ng Myanmar, 7-2.

Ito na ang ikalawang ginto galing sa pool delegation matapos ang tagumpay sa men’s 9-ball doubles nina Carlo Biado at Warren Kiamco.

Isa pang ginto ang inaasahan sa men’s 9-ball na kinakatawan nina Biado at Dennis Orcollo.

Ang mga lady boxers na sina Josie Gabuco, Irish Magno at Nesthy Petecio sa kababaihan at sina Rogen Ladon, Ian Clark Bautista at Mario Fernandez ay nanalo rin sa kanilang semifinals match para maging palaban sa ginto ngayon.

Si Risa Pasuit ay natalo sa kanyang laban para sa tanso habang palaban pa kagabi sina Junel Cantancio, Eumir Marcial at Wilfredo Lopez.

Ang athletics team na nagsabi na kukuha ng hindi bababa sa walong ginto ay magbubukas na rin ng kampanya ngayon at sina Fil-Am hammer thrower Caleb John Stuart at pole vaulter Emerson Obiena ay patok na makapaghatid ng unang gintong medalya matapos ang pilak ni lady marathoner Mary Joy Tabal.

Read more...