Kahit na bigong manalo sa unang season ng The Voice Kids, parang champion pa rin ang feeling ng first runner-up na si Darren Espanto lalo pa’t maraming oportunidad ang nakuha niya matapos magpakitang gilas sa programa.
Sa nakalipas na taon, napatunayan ni Darren na isa siya sa most sought-after singer-performers sa bansa, ngunit gusto rin niyang masubukang mag-acting gaya ng kapwa The Voice Kids alumni na sina Lyca Gairanod at Juan Karlos Labajo.
“I’d love to try acting. I’ve always been fascinated by actors ‘pag nanonood ako ng teleserye and I’d be interested in doing an acting project,” aniya.
Kabilang sa maituturing na milestones sa karera ng 14 anyos na binata ay kanyang unang solo album na ngayo’y certified gold na, pati na ang sari-saring parangal mula sa ASAP Pop Viewers’ Choice Awards, Myx Music Awards, at ang titulong Promising Male Performer sa Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box-Office Entertainment Awards.
Sa kabila nito, hindi rin maikakaila ang tindi ng suporta at pagmamahal sa kanya ng kanyang loyal fans. “Masaya kasi nakikita ko ang dedication at support nila for me. ‘Di ko in-expect na after The Voice Kids may bago na rin akong pamilya, ang Darrenatics.”
Samantala, may payo rin si Darren para sa mga susunod na sasabak sa The Voice Kids season 2, “Just be who you are. Always stay humble, because without humility you won’t get as far.”