MALAKING pagkakamali ang ginawa ng kampo ni Vice President Jojo Binay na ipakalat ang tsismis na si Sen. Grace Poe ay ampon lamang at nakita sa labas ng simbahan noong siya’y musmos pa lamang.
Ginawa ni Binay na martir si Poe na maaaring magiging kalaban niya sa pagka-Pangulo sa 2016 election.
Si Grace ay ampon na anak ng actress na si Susan Roces at ng yumaong action superstar Fernando Poe Jr.
Kasalanan ba ni Grace kung siya’y ampon lamang at iniwan siya ng kanyang ina o mga magulang sa pintuan ng Catholic church sa Jaro, Iloilo?
Paano naging kasalanan ang maging ampon at ano naman ang kinalaman nito sa balak ni Grace na tumakbo—kung may balak man siya—sa mas mataas na posisyon?
Kasalanan ba niya kung dukha o napaka-iresponsable ng kanyang mga tunay na magulang kaya’t siya’y inabandona na lang sa pintuan ng simbahan?
Ang kasaysayan ni Grace ay parang sa pelikula at kung ipagdiinan niya ito sa kanyang kampanya, tiyak na papatok ito sa masa.
Tandaan natin na ang masa ang nagluluklok sa puwesto ng mga elective officials dahil sa dami nila.
Ang aktor na si Lito Lapid, na isang mistulang “no-read, no write” ay ibinoto ng masa na gobernador ng Pampanga at senador.
Masyadong sentimental kasi ang masang Pilipino at mahilig sa mga kuwentong nakakabagbag damdamin.
Nakalimutan na yata ni Binay na nanalo siya bilang bise presidente dahil sa ikinalat na tsimis ng kanyang mga kalaban na siya’y may querida o kabit at dahil dito ay nakikipaghiwalay na ang kanyang misis sa kanya.
Inamin ni Binay ang tsismis at kinumpisal sa publiko ang kanyang kasalanan sa kanyang misis.
Tuwing inaamin niya ito sa entablado o sa harap ng camera ay nagi-“emote” o nag-iinarte siya na parang kawawa kaya’t mas lalong nagsimpatiya ang taumbayan sa kanya.
Sinabi niya na siya’y tao lamang at nagkakamali (parang kanta, ah!).
Dahil sa kanyang pangungumpisal, nilampasan niya ang kanyang close rival na si Mar Roxas, na siyang nangunguna sa mga surveys bago mag-eleksiyon.
The rest is history.
May isang kanta kung saan ang lyrics ay ganito, “Everybody loves a lover, I’m a lover (that’s why) everybody loves me, yes I do.”
Filipinos love a lover.
Kaya’t si Joseph “Erap” Estrada ay nananalo kahit anong elective position ang kanyang tinakbo—mayor ng San Juan, senator, vice president at president—dahil inaamin niya na siya’y babaero.
Nabaligtad ang mesa sa negosyante na si William Godino na nagsampa ng imposibleng kasong carnapping laban sa kanyang asawa na si Dr. Elizabeth de Guia-Godino.
Sinabi kong “imposible” dahil paano namang maaakusahan ang isang babae na ninakaw ang kotse ng sarili niyang esposo?
Di ba parang ninakawan na rin niya ang kanyang sarili dahil ang mag-asawa ay magkaisa lamang?
Anyway, ang carnapping case kay Dra. Godino ay nadismis na.
Bagkus, ang nahaharap sa kaso ngayon ay si Mr. Godino sa salang diumano’y pambubugbog niya kay Mrs. Godino.
Ang pambubugbog sa misis ay labag sa Anti-Violence against Women and Their Children Act na ipinasa noong 2004.
Natulungan ng “Isumbong mo kay Tulfo” na sampahan ni Dra. Godino si Mr. Godino ng kasong wife-beating.