Laro Ngayon
(Bacolod City)
5 pm. Rain or Shine vs Talk ‘N Text
SASARIWAIN ng Talk ‘N Text at Rain or Shine ang kanilang rivalry sa kanilang pagtatagpo sa isa na namang out-of-town game ng 2015 PBA Governors Cup mamayang alas-5 ng hapon sa University of St. La Salle Gym sa Bacolod City, Negros Occidental.
Ang Tropang Texters at Elaso Painters ay nagtagpo sa best-of-seven Finals ng nakaraang Commissioner’s Cup. Dinaig ng Talk ‘N Text ang Rain or Shine sa seryeng umabot ng Game Seven.
Nagkaroon pa ng tatlong overtime periods bago nadesisyunan ang serye. Sa kasalukuyan, kapwa naghahabol ang dalawang koponan. Ang Tropang Texters ay galing sa back-to-backna kabiguan at nalaglag sa 3-3.
Matapos na matalo sa Globalport, 123-120, tinambakan sila ng Meralco, 119-85. Dinurog naman ng Elasto Painters ang expansion franchise Blackwater Elite, 123-85, upang umusad sa 2-4 karta.
Ang Talk ‘N Text ay nasa kalagitnaan ng standings samantalang tabla sa ikasiyam na puwesto ang Rain or Shine kasama ng defending champion Star Hotshots.
Ang Tropang Texters ay pinamumunuan ng Amerikanong si Steffphon Pettigrew at Jordanian na si Sam Daghles. Halos kumpleto na ang Talk ‘N Text sa pagbabalik ina Jayson Castro at Raniel de Ocampo buhat sa injured list.
Ang hinihintay na lang nilang makabalik ay si Ryan Reyes. Bukod kina Castro at De Ocampo, ang ibang inaasahan ni TNT coach Jong Uichico ay sina Kelly Williams, Larry Fonacier at Jay Washington.
Ang Rain or Shine ay sumaasandig kay Wendell McKines na sinusuportahan nina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga, Ryan Araña at JR Quiñahan.
Samantala, nilampaso ng Alaska ang Kia, 101-63, sa kanilang PBA game kahapon sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Balik Araneta Coliseum ang mga laro bukas kung saan magtutunggali ang Globalport at Barako Bull sa ganap na alas-3 ng hapon at magkikita ang Barangay Ginebra at Star Hotshots sa ganap na alas-5:15 ng hapon.