Ibang klaseng lahi talaga ang Pinoy. Hanggang sa kamatayan ay ibinabaon natin ang pagpapahalaga sa pinagsamahan at pagkakaibigan.
Totoo naman kasing hindi mababayaran nang kahit magkano ang masarap at malalim na pagkakaibigan. Du’n binubutasan ngayon ng ating mga kababayan si Senadora Grace Poe-Llamanzares.
Dahil sa binitiwan niyang sagot sa mga patutsada ng kampo ni Vice-President Jejomar Binay ay du’n siya hinuhusgahan ngayon ng publiko.
Wala raw importansiya para sa senadora ang ginawang napakalaking tulong ni VP Binay nu’ng mga panahong nakikipaglaban ang kinagisnan niyang amang si FPJ.
Hindi man lang daw niya nirespeto ang isa sa mga taong nakipaglaban sa kanyang ama nu’ng dinadaya ito ng mga katunggali sa mundo ng pulitika.
“Ayoko na kay Senator Grace Poe, wala siyang utang na loob! Hindi naman pala niya tinatanawan ng kahit pasasalamat lang ang mga taong nakipaglaban nu’n para sa kinilala niyang tatay!” komento ng isang taxi driver na nakausap namin.
Nagpaliwanag na si Senadora Grace Poe na ang ibig niyang sabihin ay nagsisimula at nagwawakas sa taumbayan ang kanyang katapatan at hindi sa kahit sino pero hindi ‘yun nakatinag sa impresyong idinidikit sa kanya ngayon ng mas nakararami nating kababayan.