Matapos simulan ng kanilang kaalyado, nanawagan kahapon si Makati City Rep. Abigail Binay ng ceasefire sa lumalala umanong word war sa pagitan ng kanilang kampo at ni Sen. Grace Poe.
Ayon kay Binay, anak ni Vice President Jejomar Binay, nagagamit na ang media upang maging personal ang ayaw nina Poe at ng UNA.
Sinabi ni Rep. Binay na ang korte ang dapat na magresolba kung kuwalipikadong tumakbo si Poe sa 2016 presidential elections. Nauna ng nagdeklara si VP Binay na tatakbo siya sa naturang halalan.
Humarap sa media si Navotas Rep. Toby Tiangco, interim presidente ng United Nationalist Alliance, noong Martes upang ibulgar na diskuwalipikado umanong tumakbo sa halalan si Poe na pinakamahigpit na kalaban ni VP Binay sa eleksyon, ayon sa resulta ng mga survey.
“Naninindigan kami na mareresolba ito sa isang paraan lang, dapat sa korte. Di ito dapat maging personal na balitaktakan ng mga abogado na sari-sari ang opinyon at kuro-kuro. Wala itong mararating kundi painitin lang ang alitan ng aking ama at ni Sen. Poe,” ani Rep. Binay.
Iginiit ni Binay na wala ring kinalaman ang kanyang ama sa isiniwalat ni Tiangco.
“Ang ama ko ay lumaking ulila. Hindi niya gagawin na maliitin ang pangyayari sa buhay ni Sen. Poe dahil siya ay may alam kung gaano ito kahirap at kasakit para sa isang anak. Alam ni Sen. Poe na minahal ng aking ama ang kanyang tatay na si FPJ bilang tunay na kaibigan. Ito ay isang katotohanang ‘di kayang kuwestiyunin ninoman,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinagtanggol naman ni House minority leader Ronaldo Zamora si Poe sa pahayag ni Atty. JV Bautista, spokesman ni VP Binay, na ito ay stateless.
“Alam niyo, yung foundling, hindi naman putok sa buho lamang iyan na walang citizenship,” ani Zamora. “Kung titingnan niyo ang mga convention na sinalihan o yung mga hindi pa natin sinasalihan, lahat ay ay sinasabi na ‘everybody was born with citizenship and with sa state’,” ani Zamora.
Binay camp humirit ng ceasefire kay Poe
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...