Tinio silver sa Seag fencing

KINUHA ni Justine Gail Tinio ang taguri bilang kauna-unahang atleta ng Pilipinas na nanalo ng medalya sa 28th Southeast Asian Games nang napanalunan ang pilak sa fencing competition na nagbukas kahapon sa OCBC Arena Hall 2 sa Singapore.

Ang 19-anyos na si Tinio, na kinalos sina May Tinzar Kyaw ng Myanmar (15-13) at mga Vietnamese fencers Do Thi Anh (15-11) at Nguyen Thi Ho (15-6) sa round-of-16, quarterfinals at semifinals, ay yumuko sa beteranang lahok ng host Singapore na si Wang Wenying, 15-7, sa gold medal match sa women’s individual foil.

Kinapos man, ang medalya ay hudyat sa posibleng magarang kampanya ng national fencers sa event na nagbabalik matapos alisin noong 2013 Myanmar SEA Games.

Pinawi rin ng medalya ang kabiguan nina Gian Franco Rodriguez at Eric Brando na maging palaban sa medalya sa men’s individual epee at sabre ayon sa pagkakasunod.

Isa pang medalya ang tiniyak ng men’s table tennis player Richard Gonzales nang pumasok siya sa semifinals sa men’s singles na ginawa sa Singapore Indoor Stadium.

Hiniya ng 44-anyos at 2013 Myanmar SEA Games bronze medalist sa men’s singles na si Gonzales si Tran Tuan Quynh ng Vietnam, 11-3, 11-6, 15-13, sa Group C.

Ito na ang ikatlong sunod na panalo sa limang manlalarong bracket at sapat na ito para mauwi sa no-bearing game ang huling asignatura laban kay R. Muhamad A.H. Muhamad ng Malaysia ngayong umaga.

May 18 manlalaro ang kasali at hinati sa apat na grupo at ang mangunguna sa bawat grupo ang aabante sa semifinals.
Ang semis at gold medal match ay gagawin ngayong hapon.

Read more...