MALAPIT na nga ang pambansang eleksyon.
Ngayon pa lang, ang mga politikong nag-aambisyon na mahalal ay handang-handa na para tiyakin na mananalo sila pagdating ng halalan sa Mayo sa susunod na taon.
Sa mga kalye, poste, basketball court, palengke, at maging sa mga kable ng kuryente, nagkalat na ang mga tarpaulin na naglalaman ng mga mukha ng mga nagbabalak na tumakbo sa darating na halalan.
Sa telebisyon, mauumay ka rin sa kabi-kabilang political advertisement ng mga ambisyosong politiko.
Nakalulungkot dahil hindi pa nga opisyal na nagsisimula ang campaign period—ni filing of candidacy ay buwan pa rin ang bibilangin—pero abalang-abala na ang mga politiko sa kanilang palihim na pa-ngangampanya at panliligaw sa mga botante.
Gustong makatiyak ng mga politikong ito na makaungos na sila sa laban habang maaga pa, at nang maiwanan na ang kanilang posibleng makakatunggali.
Maging si Pangulong Aquino ay hindi na rin magkandaugaga sa kung sino ang pipiliing iendorso na posibleng pumalit sa kanya sa Malacanang.
Talagang election fever na.
At sakabila ng mainit na nangyayari sa politika, marami pa ring mga Pilipino ang patuloy na naghihikahos, naghihintay ng ayuda o tulong at serbisyo mula sa gobyerno.
Ang mga suliranin ay patuloy sa kabila ng “masayang” pulitikang nangyayari sa bayan. Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, petrolyo, nakaamba na rin ang pagtaas ng singil sa pamasahe.
Ang singil sa tution ay tumaas din sakabila ng pagtutol ng mga magulang at estudyante, dahilan para muling dumami ang bilang ng mga school dropout.
Hindi na rin mapigilan ang pagtaas ng singil sa kuryente tulad din ng pagtaas ng singil sa tubig. Ang parusang upa sa bahay ay patuloy ding tumataas taun-taon.
At ang mga ito ay nangyayari sakabila nang mataas na bilang ng unemployment, kawalang oportunindad, at mababang pasahod, at kulang-kulang na proteksyon at benepisyo.
Hindi rin malunasan ang patuloy na pagdami ng mga informal settler; ang bilang ng krimen ay nanatiling mataas hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiya.
Ito ang mga suliranin na dapat harapin muna ng ating mga politiko. Sa halip na unahin ang pamumulitika, higit na kailangang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng basic services at alamin kung papaano maiaahon ang mga kababayang naghihirap.
Walang puwang ang pulitika sa gitna ng kumakalam na tiyan ng ating mga kababayan.