“Hala! Hindi naman ako naniniwala, pero happy na ako, uy!” Ito ang sagot sa amin ni Melai nang banggitin namin na sure winner na siya sa Your Face Sounds Familiar dahil text votes na ang magiging batayan sa huling laban.
Matatandaang si Melai ang naging big winner sa Pinoy Big Brother Double Up noon kung saan nakasama niya ang napangasawang si Jason Francisco.
Kaya hindi imposibleng siya rin ang magwagi sa grand showdown ng YFSF sa Sabado, “Well, sana nga, pero malalakas din sila (Nyoy, Jay R at Edgar).
“At saka hindi ako nage-expect, uy, alam mo naman ako, enjoy-enjoy ko lang lagi ‘yung ginagawa ko sa Your Face Sounds Familiar na ‘yan. I believe if it’s the will of God, go!” paliwanag ni Melai.
Hindi nga raw niya ine-expect na mapapasama siya sa Final 4, “Parang hindi ko nga ine-expect na nandoon ako sa top 4 presscon, kasi di ba last presscon (launching ng reality show) ang daming nagsabing, ‘Ano ba ‘yan bakit nandidiyan si Melai?’
Kasi nga hindi ako singer, tapos kita mo, nasa final 4 pa ako, so it’s a miracle talaga. Ano naman ang gagawin niya sa perang mapapanaunan niya sa YFSF kapag siya ang grand winner, “Siyempre, priority ang anak, siyempre ang savings.
May savings naman na ako, hindi ko naman sinasabing marami, pero para sa tulad kong contended wife and mother, thank You Lord, okay na,” say ng komedyana.
Samantala, ang napanalunan daw niyang bahay sa PBB ay hindi nila tinitirhan dahil nga may kaso pa ito at walang titulo kaya wait pa sila sa resulta.
“Pinupuntahan pa rin namin ni Jason pero hindi kami nakatira, may mga gamit doon, dinidinig pa raw kasi sa Senado (kaso). May mga naglilinis naman, pinalilinis namin, binabayaran ko ng beinte pesos, charot!
“Sa Cavite kami nakatira ngayon, pero lilipat na kami sa Quezon City para mas malapit si Jason sa trabaho niya kasi siya lang ang nagda-drive sa sarili niya,” kuwento ni Melai.