OFW na pabigat sa pamilya | Bandera

OFW na pabigat sa pamilya

Susan K - June 03, 2015 - 03:00 AM

NAGLABAS kaagad ng desisyon ang Dubai Court of First Instance at sinentensyahan ang isang Pilipinang nagbebenta ng mga fake visa.

Bukod sa anim na buwan na kulong, pinagmumulta pa siya ng katumbas na halaga na P1.8 milyon.

Kapag convicted ka sa United Arab Emirates, sa sandaling matapos mapagsilbihan ang sentensiya, agad naman itong ide-deport at hindi na maaaring makabalik sa UAE.

Nakalulungkot na mabalitaang nahahatulan ang ating mga kababayan sa mga krimeng maaari naman sanang iwasan.

Mga sinasadya itong mga pagkakasala dahil na rin sa labis na pag-ibig sa salapi.

Kahit naman sabihin pang mahigpit ang pa-ngangailangan sa pera, hindi naman nangangahulugang solusyon ang paggawa ng masama at alam naman nilang mali iyon.

Madalas nga lamang kasing may estilo ang Pinoy na kung makalulusot nga naman gagawa at gagawa sila nang hindi mabuti sa kapwa. At ipagpapatuloy ang masamang gawaing iyon hanggang hindi sila nahuhuli.

At kapag nahuli na, saka lamang makakapag-isip-isip at magsisisi.

Natural nga naman, kapag sagana pa sa salapi at nagpapakasasa sa paggasta, limot nito ang kaparusahan na maaaring kaharapin.

Ganyang-ganyan din ang ginawa ng isang Pinay nang magnakaw ito ng mga credit cards.

Ginamit niya iyon
upang makapag-shopping ng kung anong mga branded items.

Hindi pa nakuntento, ginamit pa niya para sa mga online purchases ang naturang credit card at ipinambili ng plane ticket pabalik sana ng Pilipinas.

Ang kaso ine-report na siya sa pulisya hanggang sa immigration. Kaya nang subukan na niyang tumakas, huli siya sa airport.

Nakakulong siya sa kasalukuyan at katulad din ng Pinay sa Dubai, malaking halaga ang da-pat niyang bayaran para sa buong halagang ipinang-shopping niya pati na ang katumbas na halaga ng multa sa kanyang pagkakasala.

Sa parehong mga kaso, maaasahang labis na apektado ang pamilya ng mga kababayan nating ito. Siyempre nga naman, kahit galit sila sa ginawa ng mga mahal sa buhay, hindi rin naman nila kayang tiisin ang mga
iyon.

Wala na ngang ipinadadala sa kanila, sama pa ng loob ang ibinigay sa kanila at kung saan-saan naghahagilap ng mauutangan upang maipadala at maipambayad sa multang ipinataw sa kanilang mga kamag-anak.

Tulad na lamang ng sitwasyon ng ina ng nagnakaw ng credit cards,
ibinenta niya ang kanyang pampasaherong jeepney upang maipadala sa anak. Biyuda na nga, wala pang kabuhayan at kung saan-saan din na-ngungutang ngayon.

Iyan ang matitinding epekto dulot ng sinasadyang mga pagkakasala ng dahil sa labis na kasakiman at pag-ibig sa salapi.

Kaya nga nag-abroad ang kanilang mga kaanak upang makatulong sana sa kanilang pamilya ngunit baliktad ang nangyayari.

Sa halip na sila ang makatulong sa pamilyang naghihikahos, sila pa ngayon ang dapat tulu-ngan at dahilan upang lalo pang malugmok sa kahirapan ang dati na ngang wala, ngayon lalo pang nawalan.
Naging pabigat na nga ang mga kababayan na-ting ito.

vvv

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes mula alas-10:30 ng umaga hanggang 12 ng tanghali.
Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]. Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending