DADAAN na sa kanilang huling total transformation ang Final 4 celebrity performers ng number one weekend program sa bansang Your Face Sounds Familiar.
Handang-handa na sina Edgar Allan Guzman, Jay-R, Melai Cantiveros at Nyoy Volante sa gaganaping live Grand Showdown sa Resorts World Manila ngayong Sabado at Linggo (Hunyo 6 at 7). Sino kaya ang iboboto ng publiko na pinaka-ka-face at ka-sound ng kanilang music icon?
Ang performer na makakakuha ng pinakamataas na porsiyento ng mga boto ang siyang tatanghaling grand winner ng programa at magwawagi ng P2 milyon. Ang kalahati nito’y mapupunta sa napili niyang charity.
Todo-todo na ang paghahanda ng Final 4 para sa kanya-kanyang pasabog kaya’t huwag palalampasin ang Grand Showdown dahil dito pa lang ibubunyag kung sino ang huling music icon na gagayahin nila.
“I-expect niyo na I will give more than what I gave these past 12 performances. Lalampasan ko pa ‘yun para sa inyo. I will research, practice, and give my heart and my 110% para po sa inyo,” sabi ni Nyoy, na siya ring nakakuha ng pinakamataas na overall score (257 points) sa lahat ng performers.
Pahayag naman ni Jay-R, na pumangalawa sa 246 points, “Every week ang dami kong natututunan, at inaa-apply ko ‘yun. So the more weeks na ginagawa ko ‘yun, I feel like I’m getting better and better. This grand showdown, I think I will be at my best.”
Sa kabuuan, dalawang beses nang itinanghal na weekly top scorers si Nyoy para sa kanyang impersonation kina Justin Bieber at Luciano Pavarotti, at si Jay-R naman sa kanyang panggagaya kina Pepe Smith at Kenny Rogers.
Samantala, hindi naman daw in-expect nina Melai at EA na makapasok sa Final 4, na parehong nagtala ng 202 points. Kaya naman labis ang pasasalamat nila sa kanilang fans na nagsilbing inspirasyon sa kanila sa nakaraang 12 linggo.
“Na-shock talaga ako, hindi ako makapaniwalang nangyari. God moves in mysterious ways. Wala akong in-expect kasi I expected the worst. Pero hindi naman worst ang masali sa bottom 4, dahil masaya namin kami (sa show).
Feeling ko nanalo ako kay Mayweather,” ani Melai. Ayon naman kay EA, “Gusto kong magpasalamat nang sobra-sobra sa lahat ng mga nagtitiwala at humahanga sa akin, sa mga walang sawang sumuporta sa akin simula nang magsimula ang Your Face.
I promise that I will do my best to be the grand winner of Your Face – ‘yun na lang ang maipapangako ko.” Pinangalanan ding top scorer si Melai nang gayahin niya si Elizabeth Ramsey, habang naging top scorer naman si EA nang gayahin niya si Vice Ganda.
Sa live show naman sa Linggo, humanda rin sa performances ng ilang special guests pati na ng celebrity performers na sina Jolina Magdangal, Karla Estrada, Maxene Magalona at Tutti Caringal.
Simula nang umere ang Your Face Sounds Familiar noong Marso, consistent na itong nangunguna sa listahan ng pinakapinapanood na TV programs sa buong bansa at linggo-linggo ring trending sa Twitter.
Sa katunayan, numero unong programa ito noong weekend dahil nakapagtala ito ng national TV rating na 31.9% noong Sabado (Mayo 30) at 31.1% noong Linggo (Mayo 31), ayon sa datos ng Kantar Media.
Kaya huwag palalampasin ang Grand Showdown ng YFSF kasama ang host na si Billy Crawford at ang mga jurors na sina Gary Valenciano, Jed Madela at Sharon Cuneta at sabay-sabay nating alamin kung sino ang tatanghaling grand winner ngayong Sabado (Hunyo 6) pagkatapos ng MMK at Linggo (Hunyo 7) pagkatapos ng Rated K.
Samantala, nang tanungin kung sino ang personal bet ng top 4 para maging YFSF first grand winner, sinabi ni Melai na type niyang magwagi si Nyoy dahil bilib na bilib siya sa lahat ng performances nito.
Sey naman ni Jay-R, bet niyang manalo si Edgar Allan dahil tiyak niyang malaki ang magagawa nito para mas bumongga pa ang career ng binata. Para naman kina Nyoy at EA, gusto nilang mag-champion si Jay-R.