LANTARAN ang ginawang pagsuporta ni Robin Padilla kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na isa sa mga posibleng tumakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Binoe, kung sakaling magdesisyon nga ang kontrobersiyal na alkalde na sumabak sa darating na presidential elections, hindi siya magdadalawang-isip na ibigay ang kanyang serbisyo kay Duterte.
“Si Duterte po ang susuportahan ko. We are a sick nation, we are a sick people, we need a sick leader, itutulak na namin siya,” sey ni Binoe sa isang interview.
Dugtong pa ng mister ni Mariel Rodriguez na nagtungo nang personal sa Kongreso para ipakita ang kanyang suporta sa Bangsamoro Basic Law, “Kahit ako maging campaign manager niya, okey sa akin.”
Kung matatandaan, nagtungo na noon si Robin, kasama ang kapatid na si Rommel Padilla sa Davao para kausapin si Duterte nang personal at kumbinsihin na tumakbong pangulo sa 2016.
Naglabas pa nga si Binoe ng isang litrato sa social media kung saan kasama niya ang mayor ng Davao at ilang kaalyado nito.
Ibig bang sabihin nito, sakaling kunin nga siyang campaign manager ni Duterte ay hindi na itutuloy ni Robin ang planong paglayas ng Pilipinas at manirahan na lang sa ibang bansa? At willing din ba siyang humawak ng isang posisyon sa gobyerno kapag nanalo ngang presidente ang kanyang manok?