GAGASTOS ang gobyerno ng P34.6 milyon para sa biyahe ni Pangulong Aquino sa Japan makaraan siyang umalis kahapon para sa kanyang state visit hanggang Hunyo 5, 2015.
Sinabi ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa Jr. na kasama sa budget na inilaan ay ang chartered flight ni Aquino at ng kanyang 60 miyembro ng opisyal na delegasyon Tokyo.
Ayon pa kay Ochoa, kabilang sa mga kasama ni Aquino ay sina Finance Secretary Cesar Purisima, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan, Cabinet Secretary Jose Rene Almendras, Press Secretary Herminio Coloma, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad, Foreign Affairs Undersecretary Laura Del Rosario, at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.
Idinagdag ni Ochoa na kasama rin sa budget ay ang gagastusin para sa transportation, accommodation, pagkain, equipment at iba pang pangangailangan ni Aquino at ng mga miyembro ng delegasyon.
“President Aquino’s visit is anticipated to further enhance our ties with Japan, who has been a decades-long strategic partner of the Philippines,” sabi ni Ochoa.
Umalis kahapon si Aquino at nakatakdang bumalik sa Pilipinas sa Hunyo 5.
“Makikipagkita po tayo kina Emperor Akihito at Empress Michiko upang personal na ipaabot ang ating pasasalamat sa kanilang walang-maliw na pagtulong at pagbibigay ng suporta. Gayundin po, makikipagpulong rin tayo kay Punong Ministro Shinzo Abe upang higit na pagtibayin ang ugnayan at pakikipagtulungan sa kanilang bansa,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati bago lumipad papuntang Tokyo.